Apat na lalaki ang naaresto ng mga awtoridad matapos makumpiskahan ng iba’t ibang armas at bala sa isang operasyon sa Zoe’s Hotel sa Barangay 08, Catanauan, Quezon, dakong alas-3:40 ng madaling araw nitong Setyembre 24, 2026.
Kinilala ang mga naaresto na sina alyas Aries, 47; alyas Meliton, 40; alyas July, 35; at alyas EJ, 40.
Ayon sa Catanauan Municipal Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa kahina-hinalang grupo ng mga lalaki sa hotel, kung saan isa umano sa mga ito ang may dalang mahabang baril.
Agad na nagtungo sa lugar ang intelligence personnel ng Catanauan MPS at nakumpirma ang ulat. Sinundan ito ng operasyon na pinangunahan ni PMAJ Raymund Alfred S. Osea, Chief of Police ng Catanauan MPS, katuwang ang 3rd at 4th Quezon Provincial Mobile Force Company, Mulanay MPS, General Luna MPS at Provincial Intelligence Unit.
Nasamsam sa mga suspek ang isang M16 rifle na may 15 bala, tatlong magkakaibang .45 at .38 caliber pistols na may mga magazine at bala, gayundin ang dalawang hand grenade.
Bukod dito, narekober din ang isang Nissan Terrano na may plakang NJF 7247 na iniugnay umano sa isang robbery/hold-up incident sa isang DALI Store sa Barangay Cabezas, Trece Martires City, Cavite, noong Setyembre 23.
Sa isinagawang paghahanap sa naturang sasakyan, natuklasan din umano ang dalawang rifle grenade at dalawang live ammunition para sa M203 grenade launcher.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act 9516, kaugnay ng illegal possession ng firearms, ammunition at explosives.
Inihahanda na ang mga criminal complaint para sa pagsasampa sa Provincial Prosecutor’s Office sa Catanauan, Quezon.
