Inaprubahan ng House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon 1st District Rep. Wilfrido Mark Enverga ang substitute bill na naglalayong palakasin ang industriya ng kawayan sa bansa.
Layunin ng panukala na kilalanin ang kawayan bilang parehong high-value crop at industrial crop, gayundin ang pagtatatag ng pambansang balangkas na mag-uugnay sa mga magsasaka sa mga processor, negosyo at pamilihan.
Ang substitute bill, na inaprubahan nitong Martes, ay naglalayong amyendahan at palakasin ang Republic Act No. 7900 o High-Value Crops Development Act of 1995, at gawing institutionalized ang National High-Value Crops Development and Bioeconomy Program.
Pinagsama sa panukala ang House Bill No. 11189 ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez at House Bill No. 11486 ni Bukidnon 1st District Rep. Jose Manuel Alba.
Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, makatutulong ang panukala upang maging mas sustainable na kabuhayan at economic activity ang industriya ng kawayan.
Kabilang sa mga iminungkahing pagbabago ang pagbuo ng bamboo development component na sasaklaw sa buong farm-to-industry ecosystem, habang magsisilbing pambansang framework ang National High-Value Crops Development and Bioeconomy Program para sa koordinadong pagpapaunlad ng mga priority high-value crop industries at value chains.
Sinabi naman ni Committee Vice Chairperson at Oriental Mindoro Rep. Arnan Panaligan na maaari itong magbukas ng karagdagang livelihood opportunities para sa mga magsasaka at rural communities, habang tinutugunan ang mga hamon gaya ng mataas na production costs, kalamidad at limitadong pamilihan.
Binigyang-diin naman ni Alba ang pangangailangan ng mas matibay na policy framework para sa industriya ng kawayan at pagpapalawak ng oportunidad sa buong value chain nito.
Samantala, iminungkahi ni ASENSO PINOY Party-list Rep. Henry Oaminal Jr. na gamitin ang bersyon sa HB 11486, partikular ang probisyon para sa siyam na miyembrong komite sa halip na 50.
Iminungkahi rin niya ang paunang pondong ₱500 milyon sa halip na ₱50 bilyon, dahil sa limitadong fiscal space matapos ang deliberasyon sa 2027 General Appropriations Act.
Bahagi ang panukalang ito ng ilang hakbang sa Kamara para mapaunlad ang bamboo industry, kabilang ang mga panukalang batas para sa paggamit ng kawayan sa climate-resilient buildings, procurement ng bamboo products at pangkalahatang development ng Philippine bamboo industry.
