Dumalo si Carina L. De Asis, General Manager ng Quezon Metropolitan Water District (QMWD), sa isinagawang Question Hour ng ika-33 Regular Session ng ika-12 Sangguniang Bayan ng Pagbilao nitong Martes, Pebrero 24, upang magbigay ng opisyal na update kaugnay sa pagwawakas ng joint venture sa PrimeWater Infrastructure Corp. at sa kasalukuyang mga hakbang para maresolba ang suliranin sa suplay ng tubig sa bayan.
 
Ayon kay De Asis, nag-commit ang PrimeWater noong nakaraang taon na tutuparin ang kanilang catch-up plan hanggang Disyembre 2025. Gayunman, naglabas ang QMWD Board ng resolusyon na palawigin ito hanggang katapusan ng Marso 2026, bunsod na rin ng mga lumabas na balita sa social media hinggil sa umano’y bentahan ng kumpanya.
 
Sa kasalukuyan, sinabi ni De Asis na wala pang naipapatupad na bahagi ng catch-up plan ang PrimeWater at may isang buwan na lamang itong nalalabi bago tuluyang umusad ang proseso ng pre-termination, na aniya’y mahaba at masusing proseso.
 
Isinumite na rin umano ng QMWD ang lahat ng kaukulang dokumento sa Senado, kabilang sa mga tanggapan nina Sen. Raffy Tulfo at Sen. Risa Hontiveros, at patuloy ang lingguhang pagbibigay ng update hindi lamang para sa Quezon Metro kundi pati sa iba pang joint ventures sa buong bansa.
 
Kaugnay naman ng kumalat na balita noong Disyembre 2025 tungkol sa umano’y pagbili sa PrimeWater ng negosyanteng si Lucio Co o ng Crystal Bridges, nilinaw ni De Asis na naglabas ng resolusyon ang QMWD Board na hindi kinikilala ang naturang bentahan hangga’t walang pormal at nakasulat na kumpirmasyon mula sa PrimeWater.
 
“Hanggang ngayon ay wala pa silang ibinibigay na formal announcement, kaya sa ngayon ay wala pong bentahan,” ani De Asis.
 
Samantala, upang tugunan ang mga reklamo sa serbisyo ng tubig, nakipag-ugnayan na aniya ang QMWD sa Local Water Utilities Administration (LWUA) simula Enero para sa teknikal na ebalwasyon, kabilang ang pagsusuri at disenyo ng mga kailangang palitang transmission lines at pagkukumpuni ng mga tagas.
 
Ipinaliwanag ni De Asis na nakadepende pa sa renewal ng business permit ng PrimeWater sa Pagbilao hanggang Marso ang susunod na hakbang. Kung hindi ito mare-renew, nakahanda umano ang QMWD na akuin ang operasyon.
 
Aminado rin siyang tali ang kamay ng QMWD sa ngayon dahil sa umiiral na joint venture agreement, kaya’t hindi pa agad maisakatuparan ang mga kinakailangang pagkukumpuni kahit may nakahandang plano at tauhan.
 
Sa huling board meeting, inilahad ni De Asis ang pitong pangunahing proyekto para sa buong Pagbilao, kabilang ang paglalaan ng karagdagang water source para sa mga hindi pa nasiserbisyuhang lugar. Tinatayang aabot sa ₱250 milyon hanggang ₱300 milyon ang kabuuang halaga ng mga proyektong ito.
“Funding-wise, meron naman pong naka-standby. Ang kailangan na lang po ay matapos ang mga disenyo at maipatupad ang mga plano,” dagdag pa niya.
 
Sa kabuuan, tiniyak ng QMWD na nakahanda itong magbigay ng mas maayos at sapat na serbisyo sa tubig sa sandaling malutas ang usapin sa joint venture at makumpleto ang mga kinakailangang proseso.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved