Nagsagawa ng coastal clean-up ang mga empleyado ng Therma Luzon, Inc. (TLI), isang sangay ng Aboitiz Power Corporation, kaninang umaga, Pebrero 25, 2026, sa baybaying dagat ng Sitio Tubahin, Brgy. Ibabang Polo, Pagbilao, Quezon.
Ang naturang aktibidad ay bahagi ng pakikiisa ng kumpanya sa “Bayanihan sa Kalikasan 2026” na inilunsad ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) sa pangunguna ng Lokal na Pamahalaan ng Pagbilao, katuwang ang Sangguniang Barangay ng Ibabang Polo.
Layunin ng isinagawang paglilinis at pangongolekta ng basura na mapanatiling malinis ang kapaligiran, partikular ang mga dalampasigan, at maitaguyod ang sama-samang pagkilos para sa pangangalaga ng kalikasan. Bahagi rin nito ang pagpapataas ng kamalayan ng komunidad hinggil sa kahalagahan ng wastong pagtatapon ng basura at pagprotekta sa karagatan.
Sa pamamagitan ng ganitong inisyatiba, inaasahang mahihikayat ang mga residente at ka-barangay na maging mas responsable sa pangangalaga ng kanilang kapaligiran at iwasan ang pagtatapon ng anumang uri ng basura sa baybayin at karatig na lugar.
Patunay ang aktibidad na ito ng patuloy na pakikipagtulungan ng pribadong sektor at lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng mga programang pangkalikasan para sa kapakanan ng kasalukuyan at susunod pang henerasyon.






