Ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ng Infanta ang agarang pagkansela at pagbawi sa mga business permit ng limang kumpanyang sangkot sa operasyon ng crushing plants at mobile crusher matapos mapatunayang wala silang kinakailangang Mineral Processing Permit (MPP).

Batay sa Memorandum No. 2026-393 na inilabas ni Mayor Lord Arnel “L.A.”Ruanto noong Setyembre 29, 2026, isinagawa ang kautusan kasunod ng Cease and Desist Order na may petsang Setyembre 22, 2026.

Ang Cease and Desist Order ay resulta ng field investigation na isinagawa noong Setyembre 9 at 10, 2026 ng Composite Monitoring Team na binuo sa ilalim ng DENR Regional Special Order No. 317.

Ayon sa memorandum, natukoy sa imbestigasyon na may apat na crushing plants at isang mobile crusher sa hurisdiksyon ng Infanta na nagpapatakbo nang walang kinakailangang MPP, alinsunod sa Section 109 ng Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 7942 o Philippine Mining Act of 1995.

Kabilang sa mga tinukoy na non-compliant entities ang Reina Readymix Construction OPC, Ultrarocks Corporation, Frepa Aggregates Trading, MCDC Hauling Services/Gravel and Sand at Sta. Clara International Corporation.

Binigyang-diin din sa memorandum na ang pagkakaroon ng Environmental Compliance Certificate (ECC) at Industrial Sand and Gravel Permit (ISAGP) ay hindi sapat upang mapalitan o maalis ang pangangailangan sa MPP para sa operasyon ng isang mineral processing facility.

Dahil dito, inatasan ni Mayor Ruanto ang Business Permit and Licensing Section na agad na kanselahin at bawiin ang mga business permit ng limang nabanggit na entities, alinsunod sa mga kautusang inilabas ng DENR-MGB. (Reygan Mantilla)

 

 Photos courtesy of: JR Narit

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved