Idineklara na rin ng bayan ng Lopez ang State of Calamity dahil sa banta ng Super El Niño, kasunod ng apat na naunang bayan sa Quezon na nagpatupad ng kaparehong deklarasyon dahil sa epekto ng matinding tagtuyot.

Pinangunahan ni Mayor Sonny B. Ubana II ang pagpupulong ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) noong Oktubre 23 upang talakayin ang mga paghahanda para sa Undas at ang mga hakbang laban sa posibleng paglala ng tagtuyot.

Nag-ulat sa pulong ang siyam na sektor ng bayan, kabilang ang Municipal Agriculturist, Municipal Health Office, DepEd, BFP, PNP, Lopez Water District, Quezelco, Business Permits and Licensing Unit at MENRO hinggil sa kani-kanilang kahandaan at mga planong interbensyon.

Iniutos din ni Ubana ang agarang pagbuo ng El Niño Taskforce upang pangasiwaan at iugnay ang mga hakbang ng pamahalaang bayan. Inatasan ang bawat sektor na magsumite ng mga planong nakabatay sa datos at aktuwal na pangangailangan ng mga barangay.

Patuloy namang paiigtingin ng lokal na pamahalaan ng Lopez, katuwang ang Sangguniang Bayan at mga kinauukulang ahensya, ang paghahanda upang mabawasan ang epekto ng tagtuyot sa suplay ng tubig, agrikultura, kalusugan at kabuhayan ng mga residente.

Samantala, matatandaan na una nang nagdeklara ng State of Calamity ang apat (4) na bayan sa Quezon na Alabat, Jomalig, General Nakar at Guinayangan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved