Muling binuksan sa bagong lokasyon sa Grand Central Terminal sa Lungsod ng Lucena ngayong Pebrero 18 ang Kalakal Quezon featuring Flavors of Quezon na isang pasalubong center na nagtatampok sa iba’t ibang produktong gawa ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa lalawigan.
Ang pormal na pagbubukas ay pinangunahan nina Governor Doktora Helen Tan at Mhae Villasin, President at CEO ng Flavors of Quezon kasama sina Provincial Tourism Officer Nesler Almagro, Provincial Director Juliet Tadiosa ng Department of Trade and Industry (DTI), Provincial Director Christina Barayang ng Department of Labor and Employment (DOLE) at kinatawan mula sa Pamahalaang Lungsod ng Lucena at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Ayon kay Governor Tan, layunin nito na patuloy na masuportahan at mapalago ang mga MSMEs at higit pang maipakilala ang yaman ng bawat bayan na makikita sa kanilang natatanging pagkain at produkto.
Sa pakikipagbalikatan ng Pamahalaang Panlalawigan at ng DTI-Quezon, layunin ng inisyatibo na higit pang masuportahan at mapalago ang mga MSMEs sa lalawigan.
Tampok sa tindahan ang mga de-kalidad na produktong tunay na gawang Quezon—mula sa mga pagkaing lokal, likhang-kamay, at iba pang produktong ipinagmamalaki ng bawat bayan.
Sa pamamagitan ng Kalakal Quezon, nabibigyan ng mas malawak na oportunidad ang mga negosyanteng Quezonian na maipakilala ang kanilang produkto sa mas maraming mamimili.
Inaasahan ding magsisilbi itong mahalagang hakbang upang mapalakas ang lokal na ekonomiya, mahikayat ang pagtangkilik sa sariling atin, at mapaunlad ang kabuhayan ng mga MSMEs sa lalawigan.
Ayon kay Villasin, ito na ang ika-anim na permanenteng sangay ng kanilang tindahan na bukas araw-araw mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng hapon.

















