Inaanyayahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang publiko na bisitahin ang Wildlife Photography Exhibit na kasalukuyang ginaganap sa SM City Lucena, na tampok ang mga kahanga-hangang larawan ng iba’t ibang hayop at likas na yaman mula sa Lalawigan ng Quezon.
Sa temang “Wildlife within Quezon Province: Revealing the Hidden Wonders of Our Local Biodiversity,” layunin ng exhibit na ipakita ang natatanging ganda ng kapaligiran sa lalawigan, gayundin ang pagpapalalim ng kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng pangangalaga sa wildlife at kalikasan.
Makikita sa naturang exhibit ang iba’t ibang kuhang larawan na sumasalamin sa mayamang biodiversity ng Quezon, kabilang ang mga hayop at tanawin na karaniwang hindi napapansin ngunit mahalaga sa balanse ng ekosistema.
Ayon sa Provincial Government- Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO), inaasahang mas mahihikayat ang mga mamamayan na pahalagahan at pangalagaan ang kalikasan sa pamamagitan ng sining ng potograpiya.
Magtatagal ang nasabing exhibit hanggang bukas, Marso 19, kaya hinihikayat ang lahat na samantalahin ang pagkakataong masilayan at matuklasan ang kagandahan at kahalagahan ng likas na yaman na nagbibigay-buhay sa kapaligiran.
