LUCENA CITY — Umabot sa mahigit 6,000 tricycle drivers at operators sa lungsod ang tumanggap ng fuel subsidy mula sa lokal na pamahalaan noong Huwebes, Marso 19, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Isinagawa ang pamamahagi sa Lucena Convention Center na pinangunahan ni Mayor Mark “Kuya Mark” Alcala, katuwang ang Tricycle Franchising and Regulatory Office (TFRO) sa pamumuno ni Criselda David. Dumalo rin si Erlito Sales, pangulo ng PMBL Federation.
Bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng gasoline coupons na nagkakahalaga ng P1,000 na maaaring gamitin sa mga akreditadong gasolinahan tulad ng McSpeed, Petron, Total, Caltex, PTT at UniOil.
Samantala, nagsimula na ring gamitin noong Marso 17 ng mga jeepney driver ang kanilang fuel vouchers matapos silang mabigyan ng P3,000 subsidy mula sa pamahalaang lungsod.
Ayon sa mga opisyal, layunin ng programa na makatulong sa mga tsuper na apektado ng sunod-sunod na oil price hike at matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng pampublikong transportasyon.
Ang programa ay ipinatupad sa ilalim ng Task Force on Road Order and Discipline, katuwang ang Lucena Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO), upang matiyak ang maayos at direktang pamamahagi ng ayuda sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
