Pormal nang inilunsad ng Department of Agrarian Reform (DAR) Quezon II Provincial Office ang Climate Resilient Farm Productivity Support Program – Sustainable Livelihood Support for Disaster Affected Areas (CRFPSP-SLSDAA) para sa Samahan ng Magsasaka ng Barangay Sumilang (SAMAKALANG) Inc. noong Abril 23.

Layunin ng programa na palakasin ang kakayahan ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) laban sa epekto ng climate change sa pamamagitan ng makabagong pamamaraan sa pagsasaka, pagsasanay, at mga estratehiyang nakatuon sa adaptasyon, mitigasyon, at gender-responsive na pagtugon sa pagbabago ng klima.

Bilang bahagi ng paglulunsad, nilagdaan ang isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DAR Quezon II sa pangunguna ni OIC-PARPO II Ma. Gemma Esguerra, ng Lokal na Pamahalaan ng General Luna sa ilalim ni Mayor Jose Stevenson Sangalang, at ng SAMAKALANG na kinatawan ni Pangulong Noli Padilla.

Sa ilalim ng kasunduan, ang DAR Quezon II ang mamamahala sa implementasyon ng proyekto, habang ang LGU ng General Luna ay magbibigay ng kinakailangang suporta upang matiyak ang matagumpay na pagsasakatuparan nito.

Samantala, aktibong makikibahagi ang SAMAKALANG sa lahat ng aktibidad ng programa bilang benepisyaryong organisasyon.

Isinagawa rin ang isang planting of commitment bilang simbolo ng matibay na pagtutulungan ng DAR, LGU, at SAMAKALANG, kalakip ang pag-asang magiging matagumpay ang proyekto.

Sa kanyang mensahe, binati ni OIC-PARPO II Ma. Gemma A. Esguerra ang mga napiling benepisyaryo.

“Sa 106 ARB Organizations na inaasistihan ng DAR Quezon II, mapalad kayo at kayo ang napili upang maging benepisyaryo ng programang ito. Ang hiling ko lang ay sana ang mga napiling ARBs na sasailalim ng programang ito ay makapagtapos at magamit ang natutunan sa kanilang mga natanggap na lupain,” ani Esguerra.

Sasailalim ang mga miyembro ng SAMAKALANG sa serye ng mga lecture at hands-on training hinggil sa modernong teknolohiya sa pagsasaka at climate-resilient agricultural practices.

Bukod dito, makatatanggap din ang samahan ng humigit-kumulang ₱300,000 halaga ng farm machineries and equipment upang makatulong sa pagpapataas ng kanilang ani at kita.

Binigyang-diin naman ni OIC-PARPO I Engr. Marvin Labao ang kahalagahan ng proyekto lalo na sa kasalukuyang nararanasang epekto ng El Niño sa bansa. Aniya, inaasahan niyang malaki ang maitutulong nito sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga benepisyaryong magsasaka.

Nagpahayag din ng buong suporta ang Municipal Agriculturist at Municipal Administrator na si Silvino Pedragoza Jr., gayundin si Municipal Councilor at PARCCOM Member Jovito Red, na kapwa dumalo sa paglulunsad ng programa.

Nakatakdang simulan ang implementasyon ng proyekto sa katapusan ng Abril at inaasahang matatapos sa Agosto 2026. Ang SAMAKALANG ay isa sa tatlong ARBOs na napiling benepisyaryo ng CRFPSP-SLSDAA.

Photos courtesy of the DAR Quezon II Provincial Office

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved