Naging matagumpay ang isinagawang Libreng Serbisyong Tuli ng Quezon Provincial Hospital Network–Quezon Medical Center (QPHN-QMC) sa Lucena City noong Sabado, Abril 25, kung saan tinatayang nasa humigit-kumulang 300 kalalakihan ang sumailalim sa libreng circumcision sa tulong ng mga medical professional.

Kasabay nito, bilang bahagi ng “Kalinga sa Mamamayan: Libreng Gamutan” ng Pamahalaang Panlalawigan, na inisyatiba ni Governor Doktora Helen Tan, isinagawa rin ang Tuli Caravan sa bayan ng Lopez kung saan umabot naman sa 232 kabataan ang naging benepisyaryo ng nasabing programa.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, layunin ng aktibidad na mabigyan ng ligtas, maayos, at libreng serbisyong medikal ang mga kabataang nais magpatuli, lalo na sa mga pamilyang may limitadong kakayahang pinansyal.

Patuloy ding hinihikayat ng pamahalaan ang mga magulang at kabataang lalaki na samantalahin ang mga ganitong programa at tiyaking handa ang kanilang pisikal at emosyonal na kalagayan bago sumailalim sa circumcision o tuli.

Nagpahayag din ng lubos na pasasalamat ang pamahalaang panlalawigan sa oras, dedikasyon, at malasakit na ipinamalas ng mga doktor, nurse, at iba pang medical staff na naging susi upang maging maayos, ligtas, at organisado ang buong operasyon para sa mga benepisyaryo.

Photos courtesy of the Provincial Government of Quezon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved