Matagumpay na isinagawa nitong Abril 26, 2026, sa SM City Lucena ang ASP Angel’s Walk 2026, isang makabuluhang aktibidad na naglalayong palawakin ang kamalayan at pagtanggap sa mga indibidwal na nasa autism spectrum.

Pinangunahan ang nasabing programa ni Engr. John Jason Terrenal, Senior Assistant Vice President ng SM Supermalls, katuwang ang mga opisyal ng Autism Society Philippines (ASP) – Lucena Chapter, mga pamilya, volunteers, at mga kalahok mula sa iba’t ibang sektor ng komunidad.

Sa ginanap na Angel’s Walk, nagtipon-tipon ang mga autism advocates, magulang, at mga kabataang may autism upang ipakita ang pagkakaisa at suporta para sa adbokasiyang inclusion, awareness, at acceptance.

Naging tampok sa programa ang masayang parada sa loob ng mall, mga mensahe ng inspirasyon, at mga aktibidad na nagbigay-pugay sa kakayahan at natatanging talento ng mga persons with autism.

Ayon sa mga organizer, layunin ng taunang Angel’s Walk na higit pang mapalakas ang kamalayan ng publiko hinggil sa autism at hikayatin ang mas inklusibong lipunan para sa lahat.

Matagal nang nagsisilbing venue ang SM malls para sa mga gawaing pangkomunidad na sumusuporta sa sektor ng persons with disabilities at special needs.

Samantala, nagpahayag ng suporta si Engr. Terrenal sa patuloy na pagsusulong ng mga programang nagbibigay-boses at oportunidad sa mga batang may autism at kanilang mga pamilya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved