Ginawaran ng pagkilala ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon matapos nitong makamit ang Maturity Level II sa mahahalagang larangan ng Recruitment, Selection and Placement, at Performance Management.
Ang naturang parangal ay iginawad ng Civil Service Commission sa ilalim ng Program to Institutionalize Meritocracy and Excellence in Human Resource Management (PRIME-HRM), bilang patunay ng patuloy na pagpapatibay ng mahusay at makatarungang sistema ng pamamahala sa hanay ng mga kawani ng gobyerno.
Inihayag ang naturang pagkilala sa isinagawang regular na pagtataas ng watawat ng Pilipinas ng Pamahalaang Panlalawigan ngayong unang Lunes ng buwan, Mayo 4, 2026, sa Quezon Convention Center sa pangunguna ng Provincial Human Resource Management Office (PHRMO) sa ilalim ng pamumuno ni Rowell Napeñas.
Samantala, pinarangalan din sa naturang programa si Governor Doktora Helen Tan na kinilalang 2026 Gawad Parangal Awardee para sa “Outstanding Governor of the Philippines” (1st–3rd Class Category for Luzon Island) sa ika-29 na Association of Local Social Welfare and Development Officers of the Philippines, Incorporated (ALSWDOPI).
Ayon sa pamahalaan, ang nasabing pagkilala ay sumasalamin sa mahusay na pamumuno ni Governor Tan at sa kanyang dedikasyon sa pagsusulong ng kapakanan ng mamamayan. Sa ilalim ng kanyang HEALING AGENDA, higit pang napalakas ang mga programang pangkalusugan at panlipunan, na naglalayong makamit ang isang mas inklusibo at mas maunlad na lalawigan ng Quezon.
Photos courtesy of the: Provincial Government of Quezon
