Matagumpay na naisagawa noong Lunes, Mayo 4, ang Raffle Draw ng Real Property Tax (RPT) Revenue Campaign na may temang “Sa Bawat Pisong Buwis mo, Katumbas ay Serbisyo,” sa pangunguna ng Provincial Treasurer’s Office (PTO) katuwang ang mga Municipal Treasurer mula sa iba’t ibang bayan sa Lalawigan ng Quezon.

Sa naturang raffle, umabot sa 100 property owners ang nagwagi ng consolation prize na tig-₱3,000, habang walo ang pinalad na makatanggap ng brand new Honda Click 125 (dalawa sa bawat distrito). Apat naman ang itinanghal na grand winners na nag-uwi ng tig-isang brand new Toyota Wigo, kung saan tig-iisa ang nanalo mula sa bawat distrito ng lalawigan.

Taos-pusong pinasalamatan ni Governor Doktora Helen Tan ang lahat ng naging bahagi ng matagumpay na programa—mula sa mga kawani ng Provincial at Municipal Assessor’s at Treasurer’s Offices hanggang sa mga masisipag na nagbabayad ng buwis.

Binigyang-diin din ng gobernador na ang bawat pisong buwis ay nagsisilbing mahalagang pondo para sa mga programang pangkaunlaran at serbisyong panlipunan ng lalawigan.

Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng incentive program ng pamahalaang panlalawigan na naglalayong hikayatin ang tuloy-tuloy at maayos na pagbabayad ng RPT. Sa ilalim ng programa, ang mga taxpayer na regular na nagbabayad ng buwis ay binibigyan ng raffle ticket bilang entry sa Grand Raffle Draw.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, layunin ng inisyatibang ito na hindi lamang mapataas ang koleksyon ng buwis kundi makapagbigay rin ng pagkilala at gantimpala sa mga mamamayang tapat sa kanilang obligasyon.

Inaasahan din na mas mahihikayat pa nito ang mga Quezonian na maging responsableng taxpayer at aktibong katuwang sa patuloy na pag-unlad ng lalawigan.

Photos courtesy of the Provincial Government of Quezon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved