Pitumpung (70) batang may special needs mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Quezon ang nabigyan ng libreng assessment at therapeutic services sa ilalim ng programang Developmental Assessment, Rehabilitation, and Employment (DARE) for Children with Disabilities o CAREvan na ginanap noong Biyernes, Mayo 15, sa 3rd Floor PHO-QMC Administrative Building sa Quezon Medical Center Compound sa Lungsod ng Lucena.
Pinangunahan ang programa nina Executive Director III Glenda D. Relova ng National Council on Disability Affairs (NCDA) at Field Officer IV-A Assistant Regional Director for Operations Myla Gatchalian ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) katuwang ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Health Office (PHO).
Dumalo rin sa aktibidad si Governor Doktora Helen Tan kasama sina PGAD/Acting PSWDO Norliza L. Labitigan at PHO Kristine Mae Jean Villaseñor bilang suporta sa programa para sa mga batang may kapansanan.
Bahagi ng isinagawang CAREvan ang developmental assessment upang matukoy ang kondisyon, diagnosis, at kinakailangang therapy ng mga batang benepisyaryo.
Naging katuwang sa assessment at therapeutic services ang iba’t ibang organisasyon tulad ng Philippine Academy of Occupational Therapists, TheraBridge Therapy Center, Mt. Carmel Diocesan General Hospital, Philippine Association of Speech Language Pathologists, Psychological Association of the Philippines, Philippine Academy of Rehabilitation Medicine, Rare Foundation, at Philippine Physical Therapy Association.
Layunin ng programa na maisulong ang maagang pagtukoy at interbensyon para sa mga batang may kapansanan, gayundin ang pagpapalawak ng kaalaman ng kanilang mga magulang hinggil sa wastong pangangalaga at rehabilitasyon.
Ayon sa mga organizer, magpapatuloy pa ang mga kahalintulad na programa upang higit na makatulong sa mga batang may kapansanan at kanilang mga pamilya sa Quezon Province.
Photos courtesy of the Provincial Government of Quezon
