Patay ang mag-asawang senior citizen matapos madaganan ng isang cargo truck ang kanilang bahay sa Purok Antipolo, Barangay Gumian, Infanta bandang alas-5:30 ng madaling araw nitong Lunes, Mayo 18, 2026.
Kinilala ang mga biktima na isang 74-anyos na lalaki at ang kaniyang 70-anyos na asawa na naipit matapos bumangga at mahulog ang cargo truck na may kargang feeds mula Bulacan patungo sana sa bayan ng Infanta.
Batay sa paunang imbestigasyon, nawalan umano ng kontrol ang truck habang binabagtas ang pababang bahagi ng Marilaque Highway sa nasabing barangay. Bumangga ito sa railings bago tuluyang mahulog at dumagan sa bahay ng mga biktima.
Ayon sa salaysay ng mga pahinante at ilang saksi, sumabog umano ang unahang gulong ng truck habang bumababa sa matarik na bahagi ng kalsada. Iginiit din umano ng mga pahinante na hindi nakatulog ang driver bago ang insidente.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng MDRRMO, Bureau of Fire Protection, at PNP Infanta upang maalis ang mga kargamento at marekober ang mga labi ng mga biktima na naipit sa ilalim ng truck.
Nagpadala rin ng boom truck o manlift truck ang lokal na pamahalaan ng Infanta sa atas ni Mayor L.A. Ruanto upang maingat na maiangat ang bumagsak na sasakyan.
Samantala, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver at dalawang pahinante habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Infanta Police upang matukoy ang tunay na sanhi ng trahedya.
Photos courtesy of JR Narit
