Pormal nang inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Lucena ang kauna-unahang community-based Human Milk Hub sa lungsod sa temang “Sa Mama May Gatas at Pag-asa” na ginanap sa City Health Office noong Mayo 18.
Pinangunahan ni City Administrator Anacleto Alcala Jr., bilang kinatawan ni Lucena City Mayor Mark Alcala, ang launching kasama sina City Health Officer Dr. Jocelyn Chua at DOH Lucena Officer Brian Villanueva.
Nakiisa rin sa programa sina mga konsehal na sina Benito “Baste” Brizuela Jr., Atty. Rhaetia “Sunshine” Abcede, at Dr. Edwin Pureza, Chairman ng Sangguniang Panlungsod Committee on Health, gayundin ang mga department heads ng lokal na pamahalaan at mga opisyal mula sa Batangas Medical Center kabilang sina Medical Center Chief II Dr. Joycelyn Mercado at Dr. Maritess Teresita Torio.
Bilang bahagi ng programa, nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng City Government of Lucena at Batangas Medical Center bilang pagtitibay ng kanilang pagtutulungan sa wastong koleksyon, ligtas na pag-iimbak, at maayos na distribusyon ng donor human milk alinsunod sa umiiral na health protocols at standards.
Isinagawa rin ang breastmilk letting activity kung saan aktuwal na nag-donate ng gatas ang ilang volunteer mothers para sa bagong bukas na milk hub. Tampok din ang ceremonial turnover ng donated breastmilk mula kay Lucenahin Hero Mom Jean Darlene Robles.
Namahagi naman ang City Health Office at Department of Health ng hygiene kits bilang pasasalamat sa mga donor na nakiisa sa programa.
Nagtapos ang aktibidad sa ceremonial ribbon cutting bilang hudyat ng pormal na pagsisimula ng operasyon ng Lucena City Human Milk Hub.
Ayon sa mga ulat, layunin ng mga human milk hub at milk bank na matulungan ang mga sanggol, lalo na ang mga premature at may sakit na sanggol, na nangangailangan ng ligtas at pasteurized donor breast milk.
Photos courtesy of the PIO Lucena
