Patuloy na kinikilala ang mahusay na pamamahala sa serbisyong pangkalusugan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon matapos bumisita ang delegasyon mula sa Camarines Norte para magsagawa ng benchmarking activity hinggil sa implementasyon ng Universal Health Care (UHC).

Buong pusong tinanggap ni Quezon Governor Doktora Helen Tan ang delegasyon na pinangunahan ni Camarines Norte Governor Ricarte Padilla kamakailan upang personal na mapag-aralan ang mga best practices ng lalawigan sa larangan ng serbisyong medikal at pampublikong kalusugan.

Layunin ng pagbisita na magsilbing modelo at inspirasyon ang mga programa ng Quezon sa pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan ng Camarines Norte.

Sa isinagawang presentasyon, ibinahagi ni Provincial Health Officer II Dr. Kristin Mae-Jean Villaseñor ang iba’t ibang hakbang na isinasagawa ng lalawigan kabilang ang pagpapalawak ng health literacy sa mga komunidad, pagpapaigting ng no balance billing policy, pagsasaayos ng consignment management system para sa episyenteng pamamahagi ng gamot at medical supplies, at modernisasyon ng mga pasilidad at serbisyong pangkalusugan.

Bilang bahagi ng benchmarking activity, bumisita rin ang delegasyon sa Provincial Warehouse upang makita ang maayos na sistema ng imbentaryo, distribusyon, at pamamahala ng mga kagamitang medikal.

Personal ding pinangunahan ni Governor Tan ang pag-iikot ng grupo sa Quezon Provincial Hospital Network–Quezon Medical Center (QPHN-QMC) sa Lucena City kung saan ipinakita ang operasyon, sistema ng transaksyon, at paghahatid ng serbisyong medikal sa isa sa pinakamalalaking pampublikong ospital sa lalawigan.

Kabilang sa mga pasilidad na kanilang binisita ang Radiology Department, OB-Gyne Department, at ang kasalukuyang ginagawang Outpatient Department na inaasahang magpapalawak pa ng kapasidad ng ospital sa pagbibigay ng maagap at dekalidad na serbisyong pangkalusugan.

Ayon kay Governor Padilla, agad nilang napansin ang maayos na daloy ng serbisyo, malinis na kapaligiran, at propesyonal na pagtanggap ng mga kawani ng ospital sa mga pasyente at bisita.

“Nahanga po tayo sa husay ng pamamalakad ng lokal na pamahalaan sa kanilang pagamutan. Malaking inspirasyon po para sa atin ang kanilang naging tagumpay sa pangangasiwa sa sektor ng pangkalusugan,” ani Padilla.

Nagpasalamat din siya kay Governor Tan sa mainit na pagtanggap at sa pangako nitong bibisita rin sa Camarines Norte Provincial Hospital upang higit pang mapalakas ang ugnayan at palitan ng kaalaman ng dalawang lalawigan.

Sa pamamagitan ng ganitong mga aktibidad, patuloy na pinagtitibay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang layunin nitong maging huwaran sa mahusay, episyente, at makataong serbisyong pangkalusugan para sa bawat mamamayan.

Photos courtesy of the Provincial Government of Quezon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved