Muling umigting ang diwa ng bayanihan sa bayan ng Pagbilao sa isinagawang Brigada Eskwela 2026 Kick-off Ceremony ngayong araw, Hunyo 1 sa Talipan Elementary School sa Brgy. Talipan, kasabay ng paghahanda ng mga paaralan para sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 8.


Sa temang “Bayanihan sa Paaralan: Nagkakaisa para sa Kaayusan at Kaalaman,” nagkaisa ang mga guro, magulang, mag-aaral, kawani ng pamahalaan, iba’t ibang sektor ng komunidad, at mga volunteer upang tiyaking handa at ligtas ang mga paaralan para sa panibagong taon ng pagkatuto.
Sa pamamagitan ng sama-samang paglilinis, pagkukumpuni, pagpipintura, at pagpapaganda ng mga pasilidad, ipinakita ng mga nakiisa ang kanilang malasakit sa edukasyon at ang hangaring mabigyan ang bawat mag-aaral ng maayos at kaaya-ayang kapaligiran sa pag-aaral.
Nakiisa sa naturang Brigada Eskwela ang Sangguniang Bayan ng Pagbilao sa pangunguna ni Vice Mayor Wally Dapla kasama ang mga konsehal na sina Deony Dapla, Joseph Luce, Cathy Garcia, at Gelo Arriola.


Bukod sa aktibong pakikilahok sa paglilinis at pagpipintura ng paaralan, inisyatibo ng bumubuo ng Sangguniang Bayan ang pagkakaloob ng iba’t ibang kagamitan mula sa kanilang sariling bulsa bilang suporta sa programa.
Ayon kay Vice Mayor Dapla, buhay na buhay pa rin ang diwa ng bayanihan at pagkakaisa sa bayan ng Pagbilao.


“Ang paaralan ang pangalawang tahanan ng ating mga mag-aaral kaya mahalagang matiyak na maayos at ligtas ang kanilang kapaligiran sa pag-aaral,” ani Dapla.
Bukod sa Talipan Elementary School, nagkaloob din ang Sangguniang Bayan ng mga Brigada Kits sa lahat ng 22 pampublikong paaralan sa bayan upang makatulong sa paghahanda para sa pagbubukas ng klase.


Samantala, binigyang-diin ni Rommel Roperez, Principal ng Talipan Elementary School, na ang Brigada Eskwela ay hindi lamang simpleng paghahanda ng mga pasilidad kundi isang malinaw na patunay ng pagkakaisa at malasakit ng komunidad sa kapakanan ng mga mag-aaral.
Aniya, mahalaga rin ang programa upang makita at matugunan ang mga pangangailangan ng mga paaralan na makatutulong sa pagpapabuti ng kalagayan at pagkatuto ng mga bata.
Ang Brigada Eskwela ay taunang programa ng Department of Education (DepEd) na naglalayong himukin ang pakikilahok ng komunidad sa paghahanda ng mga paaralan bago ang pagbubukas ng klase, bilang pagpapakita ng sama-samang responsibilidad para sa dekalidad na edukasyon ng bawat kabataan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved