LUCENA CITY, Quezon — Mahigit 420 maintenance requests ang natugunan ng Office of the City Engineer sa loob ng walong buwan, ayon sa accomplishment report na inilahad ni Officer-in-Charge Anacleto Alcala Jr. sa Regular Flag Raising Ceremony ng Pamahalaang Panlungsod nitong Hunyo 1.
Saklaw ng ulat ang mga programa, proyekto at serbisyo ng tanggapan mula Oktubre 2025 hanggang Mayo 2026, kung saan binigyang-diin ni Alcala ang papel ng City Engineer’s Office sa bawat yugto ng mga proyekto ng lokal na pamahalaan—mula planning, design, construction, inspection, maintenance hanggang sa technical support sa 33 barangay ng lungsod.
Batay sa ulat, kabilang sa pangunahing nagampanan ng tanggapan ang pagtugon sa mga kahilingan para sa repair, maintenance at iba pang engineering-related services sa mga pasilidad at imprastraktura ng lungsod.
Iniulat din ni Alcala na umabot sa mahigit P4 milyon ang nakolekta ng tanggapan mula sa Building Permits at Occupancy Permits, na bahagi ng regulasyon at pagsubaybay sa mga konstruksyon sa lungsod.
Ang Office of the City Engineer ay binubuo ng pitong dibisyon: Planning and Design, Construction, Maintenance and Motor Pool, Building, Electrical, Survey at Administrative.
Ayon kay Alcala, hindi magiging posible ang mga accomplishment ng tanggapan kung wala ang dedikasyon ng kanilang mga kawani, inhinyero at personnel, partikular ang suporta nina Assistant City Engineer Peñarando Surquia at Department Adviser Engr. Norman Nadera.
Tiniyak naman ni Alcala na patuloy pang palalawakin ng City Engineer’s Office ang serbisyo at bilang ng mga proyektong matatapos sa mga susunod na taon sa tulong at gabay nina Mayor Kuya Mark Alcala at Vice Mayor Roderick “Dondon” Alcala.
Giit ng opisyal, mahalaga ang matatag na engineering support upang matiyak na ang mga proyekto ng pamahalaang panlungsod ay hindi lamang naipaplano, kundi natatapos at napakikinabangan ng mga residente.
