Malugod na tinanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, sa pamumuno ni Governor Angelina “Doktora Helen” Tan, ang dalawang bagong Patient Transport Vehicles (PTVs) o ambulansya na ipinagkaloob ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa lalawigan, kamakailan.
Ang mga sasakyang ito ay ipinagkaloob sa ilalim ng Medical Transport Vehicle Donation Program (MTVDP) ng PCSO na naglalayong mapalawak ang akses ng mga mamamayan sa dekalidad na serbisyong medikal, partikular sa mga malalayo, liblib, at geographically isolated na komunidad.
Pinangunahan ang turnover ceremony ni PCSO General Manager Melquiades Robles kasama sina Board Directors Janet Mercado at Jennifer Guevarra, Charity Assistance Department Manager Orlando Malaca, at PCSO Chief of Staff Jeremy Regino.
Bukod sa dalawang ambulansya, isinagawa rin ang turnover ng 800 Charitimba food packs, 50 blood pressure apparatus, at 50 nebulizers bilang bahagi ng Corporate Social Responsibility initiatives ng PCSO. Layunin ng mga ipinagkaloob na kagamitan at ayuda na makatulong sa pagtugon sa mga pangunahing pangangailangang pangkalusugan at pangnutrisyon ng mga komunidad.
Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat si Governor Tan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa PCSO para sa patuloy na suporta at mga programang ipinagkakaloob sa mga lokal na pamahalaan.
Aniya, malaking tulong ang mga bagong ambulansya upang mas mapabilis ang pagdadala ng mga pasyenteng nangangailangan ng agarang atensyong medikal, lalo na sa mga lugar na malayo sa mga pasilidad pangkalusugan.
Bukod dito, ipinahayag ng Gobernadora ang kanyang pasasalamat at kagalakan dahil kabilang ang lalawigan ng Quezon sa mga mapagkakalooban ng Landing Craft Vessel (LCV) mula sa PCSO. Ito ay isang biyaya para sa lalawigan, lalo na para sa mga islang bayan na madalas humaharap sa hamon ng transportasyon at akses sa mga pangunahing serbisyo.
Ang patuloy na suporta ng PCSO sa lalawigan ng Quezon ay hindi lamang patunay ng matibay na ugnayan sa pagitan ng pambansa at lokal na pamahalaan, kundi isang malinaw na pagpapakita ng tunay nitong malasakit at kalinga sa kapakanan ng mga mamamayan, lalo na sa larangan ng kalusugan. Sa pamamagitan ng mga programa at proyektong ipinagkakaloob sa Quezon, higit pang napapalakas ang kakayahan ng Pamahalaang Panlalawigan na maghatid ng maagap, episyente, at makataong serbisyo. Higit sa lahat, nagsisilbi itong mahalagang hakbang tungo sa mas inklusibo at mas accessible na serbisyong pangkalusugan para sa bawat Quezonian
