Ang tubig ay hindi luho. Ito ay buhay, karapatan, at batayang pangangailangan ng bawat tahanan. Kaya sa bawat gripo na walang tumutulo, sa bawat pamilyang naghihintay ng water ration, at sa bawat bayaring dumarating kahit kapos ang serbisyo, may tanong na dapat sagutin.
Batay sa Socio-Economic Profile ng Quezon, sagana ang lalawigan sa inland water resources, kabilang ang mahahalagang ilog gaya ng Umiray, Agos, at Nakar. Ngunit sa kabila nito, ramdam ang krisis sa tubig sa Lucena City, Tayabas City, Pagbilao, Sariaya, Tagkawayan, Alabat, at iba pang lugar. Hindi ito simpleng aberya. Ito ay senyales ng mas malalim na problema sa pagpaplano, pamamahala, imprastraktura, at pananagutan.
Noong 2018, pumasok ang Quezon Metropolitan Water District o QMWD sa Joint Venture Agreement sa PrimeWater para sa pamamahala at operasyon ng water system. Ayon sa mga ulat, sakop ng QMWD ang Lucena, Tayabas, at Pagbilao, habang ang PrimeWater ang naging katuwang sa operasyon ng serbisyo. Ngunit kung ang layunin ng kasunduan ay mas maayos, mas sapat, at mas maaasahang serbisyo, nararapat lamang itanong ngayon: natupad ba ito?
Hindi rin dapat palampasin ang ulat na noong 2025, isinusulong ng QMWD ang terminasyon ng kasunduan dahil sa umano’y paglabag at pagkadismaya ng mga concessionaire sa serbisyo. Samantala, lumabas din sa mga ulat na ang Crystal Bridges Holding Corp. ng Lucio Co Group ay pumasok sa kasunduan para bilhin ang 100% ng PrimeWater mula sa Villar Group. Sa ganitong pagbabago ng pagmamay-ari, mas lalong kailangang malinaw sa publiko: sino ang mananagot, sino ang mag-aayos, at kailan mararamdaman ng taumbayan ang solusyon? May ulat din na may mga lider na binigyan ng extension ang kanilang business permit para makapag-operate.
Sa gitna ng lumalalang sitwasyon, makabuluhan ang panawagan ni Gov. Helen Tan na dapat “kalampagin at katukin” ang mga lokal na pamunuan para sa agarang aksyon at maayos na koordinasyon. Sapagkat ang krisis sa tubig ay hindi dapat ipasa-pasa sa papel, pulong, o pangako. Kung may legal remedy, gamitin ito. Kung kailangan ng contingency plan, ihanda ito. At kung termination man ang magiging hakbang, dapat malinaw kung sino ang sasalo, paano masisiguro ang tuloy-tuloy na suplay, at kailan mararamdaman ng mamamayan ang tunay na solusyon.
Mahalagang maunawaan na ang isang Joint Venture Agreement ay hindi basta-bastang pinapawalang-bisa ng isang lokal na pamahalaan lamang. May legal na proseso, kontrata, obligasyon, at regulasyong dapat sundin. Ngunit hindi rin ibig sabihin nito na mananahimik na lamang ang mamamayan. Kapag ang serbisyo ay palpak, kapag ang tubig ay hindi sapat, at kapag ang reklamo ay paulit-ulit, karapatan ng publiko at tungkulin ng mga halal na opisyal na manawagan ng masusing pagsusuri.
Hindi sapat ang water rationing. Hindi sapat ang pansamantalang diesel, temporary pump, o paulit-ulit na pangakong “inaayos na.” Ang mga ito ay band-aid solution lamang sa sugat na matagal nang lumalala. Ang kailangan ay pangmatagalang water security plan: malinaw na mapping ng watershed, proteksiyon sa water sources, modernisasyon ng linya at pumping stations, regular public reporting, independent audit ng performance ng water provider, at konkretong timeline ng mga proyekto.
Kung tunay na sagana ang ating lalawigan sa likas na pinagkukunan ng tubig, dapat hindi nauuwi sa timba at pila ang buhay ng mga mamamayan. Ang tubig ay hindi dapat maging pribilehiyo ng may tangke, may motor, o may pambili ng mineral water. Ito ay serbisyo publiko na dapat maaasahan ng mahirap at mayaman, ng lungsod at bayan, ng sentro at liblib na barangay.
Panahon na upang ang usapin sa tubig sa ating mga syudad at bayan-bayan ay hindi lamang pag-usapan tuwing may krisis. Kailangan itong harapin bilang pangunahing prayoridad ng pamahalaan, water districts, pribadong operator, at buong lalawigan.
Dahil sa huli, ang tanong ay hindi lamang kung sino ang may hawak ng kontrata. Ang mas mahalagang tanong: sino ang may malasakit na tiyaking may tubig ang bawat tahanan?
Tubig ay buhay. At ang buhay ng mamamayan ay hindi dapat hintayin sa pila.
