LUCENA CITY, Quezon — Dalawang katao ang nasawi matapos malunod sa dagat sa Barangay Ransohan, Lucena City, Quezon noong Lunes ng hapon, Hulyo 13.
Ayon sa imbestigasyon ng Lucena City Police Station, nagpunta sa nasabing lugar ang isang magkakamag-anak upang mag-outing at maligo sa dagat.
Habang lumalangoy ang unang biktima, bigla itong tinangay ng malakas na alon. Humingi ito ng tulong sa kanyang mga kasama, dahilan upang lumangoy ang dalawa pa upang siya ay sagipin. Gayunman, sa kasamaang-palad, tatlo silang tinangay ng malakas na agos.
Agad namang nagtulungan ang mga residente at mga opisyal ng barangay sa pagsagip sa mga biktima. Narekober ang katawan ng ikalawa at ikatlong biktima at isinugod sa ospital para sa agarang lunas. Isa sa kanila ang idineklarang dead on arrival, habang ang isa naman ay nananatiling nagpapagaling matapos mabigyan ng atensyong medikal.
Makalipas ang isang oras, natagpuan naman ng mga rescuer ang unang biktima ngunit wala na itong buhay nang mailabas mula sa dagat.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.
