Malaking tulong sa pagpapatuloy ng konstruksyon ng bagong Munisipyo ng Infanta ang karagdagang ₱50 milyong pondong nailaan sa ilalim ng pambansang badyet, matapos personal na makipagpulong si Mayor Lord Arnel “L.A.” Ruanto kay Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri upang plantsahin ang implementasyon ng naturang pondo.

Ang inisyatibang ito ay inaasahang magpapabilis sa pagpapatuloy ng matagal nang proyekto na layuning magkaroon ng mas moderno at episyenteng sentro ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Mayor Ruanto, personal siyang nagtungo sa Senado upang talakayin kay Senador Zubiri ang mga susunod na hakbang sa paggamit ng pondong naipasok sa General Appropriations Act o pambansang badyet. Ang ₱50 milyon ay inilaan bilang karagdagang pondo upang matugunan ang kakulangan sa pagpapatayo ng bagong municipal hall.

Matatandaang nang maupo si Mayor Ruanto bilang punong bayan noong nakaraang taon, agad niyang binuo ang isang Infrastructure Audit Team na nagsagawa ng masusing pagsusuri sa mga proyektong kanyang dinatnan. Sa isinagawang audit, natuklasan ang malaking kakulangan sa pondo, gayundin ang ilang umano’y depektibong konstruksyon, mahinang kalidad ng paggawa, at hindi maayos na implementasyon ng ilang kontratista.

Dahil dito, hindi nag-atubili ang lokal na pamahalaan na kanselahin ang kontrata ng isa sa mga contractor at ihanda ang mga legal na hakbang upang mapanagot ang sinumang mapapatunayang may pagkukulang sa proyekto.

Lumabas din sa isinagawang pagsusuri na ang orihinal na plano para sa bagong munisipyo ay mangangailangan ng halos kalahating bilyong piso upang tuluyang matapos. Dahil sa kakulangan ng pondo, inaasahan sanang aabutin pa ng ilang taon bago ito makumpleto.

Bilang tugon, ipinag-utos ng alkalde ang rebisyon sa disenyo ng gusali upang higit na mapabuti ang tibay, lawak, at kaayusan ng mga tanggapan. Kabilang sa mga planong idadagdag ang rooftop garden, 500-seat amphitheater, bulwagang bayan, at mga client-centered spaces na layong gawing mas mabilis, episyente, at komportable ang paghahatid ng serbisyo publiko sa mga mamamayan.

Bukod sa ₱50 milyong inilaan ngayong taon sa pamamagitan ng suporta ni Senador Zubiri, sinabi rin ni Mayor Ruanto na patuloy siyang nakikipag-ugnayan sa iba pang mga senador upang makakuha ng karagdagang pondo sa susunod na pambansang badyet. Layunin nitong matiyak ang tuloy-tuloy na implementasyon at agarang pagkumpleto ng bagong bahay-pamahalaan ng bayan ng Infanta.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved