Pinangunahan ni Quezon Governor Doktora Helen Tan ang pagtatanim ng daan-daang punla ng bakawan sa mga baybaying-dagat ng tatlong barangay sa Gumaca, Quezon nitong Agosto 11 bilang bahagi ng pagdiriwang ng Mangrove Day 2026.
Isinagawa ang aktibidad sa mga barangay ng Camohaguin, Panikihan, at Hagakhakin sa pangunguna ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO), katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan, lokal na pamahalaan ng Gumaca, mga guro at mag-aaral.
Bago ang aktuwal na pagtatanim, isinagawa ang isang talakayan hinggil sa mahalagang papel ng bakawan sa pangangalaga ng kalikasan at proteksiyon sa mga pamayanang nasa baybayin.
Ipinaliwanag na nagsisilbing natural na panangga ang mga bakawan laban sa malalakas na alon, storm surge at pagguho ng baybayin, habang nagbibigay rin ang mga ito ng mahalagang tirahan at pangitlugan ng iba’t ibang uri ng isda, alimango, hipon at iba pang yamang-dagat.
Mahalaga rin ang pagpapanatili ng mga bakawan sa kabuhayan ng mga residenteng umaasa sa pangingisda at iba pang yamang-dagat.
Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan, higit pa sa simpleng pagtatanim ang naturang gawain dahil bahagi ito ng mga hakbang upang magkaroon ng mas matatag, ligtas at likas-kayang mga pamayanan sa lalawigan.
Sa pangunguna ni Governor Tan at pakikiisa ng mga tanggapan ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, guro at mga mag-aaral, layunin ng programa na mapalawak pa ang mga bakawan sa mga baybaying lugar ng Quezon upang mapangalagaan ang kapaligiran, maprotektahan ang mga komunidad at matiyak na mapapakinabangan ng mga susunod na henerasyon ang likas na yaman ng lalawigan.
