Pinagtibay ang pagkakaisa, camaraderie at ugnayan ng media, Philippine National Police (PNP) at pribadong sektor sa pamamagitan ng Quezon Media Sports Club (QMSC) Sports Clinic and Sportsfest na isinagawa noong Agosto 21–22, 2026 sa Iñigo’s Sports Center, Barangay Domoit, Lucena City.
Layunin ng dalawang araw na aktibidad na sponsored ng Aboitiz Power Inc. na isulong ang sportsmanship, malusog na pangangatawan at magandang samahan sa hanay ng mga miyembro ng media at kanilang mga katuwang.
Kabilang sa mga tampok na aktibidad ang sports clinic para sa larong pickleball at mga tournament sa badminton, basketball at bowling.
Dumalo sa opening program si PCOL Romulo A Albacea, Provincial Director ng Quezon Police Provincial Office, na nagpahayag ng suporta sa mga inisyatibang nagpapalakas sa ugnayan ng PNP at media.
Ayon kay Albacea, mahalagang magkaroon ng mga aktibidad na makatutulong upang mapaunlad ang camaraderie, magandang samahan at sportsmanship ng dalawang sektor. Aniya, bagama’t may mga pagkakataong nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan, nananatiling magkatuwang ang PNP at media sa kanilang tungkulin sa paglilingkod sa publiko.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng sports upang mapalakas ang pangangatawan, lalo na’t hindi maikakaila na ilan sa mga miyembro ng media ay nasa mas mature nang edad.
Samantala, hinikayat ni Aboitiz Power Assistant Vice President for Corporate Services Lou Deligencia ang mga kalahok na patuloy na magkaisa sa pamamagitan ng sports, na aniya’y isang common interest na maaaring magsilbing tulay sa mas matibay na ugnayan.
Nagpasalamat si Deligencia sa pagkakataong makatuwang ang QMSC at kinilala ang mahalagang papel ng media bilang katuwang ng Aboitiz Power sa paghahatid ng impormasyon sa publiko.
Ipinahayag din niya na hindi ito ang huling pagkakataon na makikipagtulungan ang Aboitiz Power sa QMSC sa mga ganitong aktibidad.
Bilang dagdag na suporta, nag-donate ang Aboitiz Power sa QMSC ng anim na basketball, anim na badminton racket at shuttlecocks, at apat na pickleball paddle at mga bola.
Dumalo rin sa aktibidad sina Aboitiz Power Corporate Affairs Manager JK Huyatid, Corporate Affairs Supervisor Jane Echaure Floresca, at Corporate Affairs Specialist Mary Rose Esguerra.
Sa pamamagitan ng sports, muling pinagtibay ng QMSC, Quezon PPO at Aboitiz Power ang kanilang pagtutulungan para sa mas matatag na ugnayan, aktibong pamayanan at mas epektibong paglilingkod sa publiko.
