Binigyang-diin ni Governor Doktora Helen Tan ang pangangailangang ilapit sa mga mamamayan ang tuberculosis (TB) diagnostics at higit pang paigtingin ang mga hakbang para tuluyang maalis ang sakit sa bansa.
Ginawa ni Tan ang kaugnay ng isinagawang “Unite to End TB: A National Symposium for Change Toward a TB-Free Philippines” sa The Heritage Hotel Manila sa Pasay City, na may temang “Turning Strategy into Impact: Korea-Backed Solutions for TB Elimination in the Philippines.”
Ayon kay Gov. Tan, mahalagang mapalapit ang diagnostic services sa mga Quezonian bilang bahagi ng komprehensibong serbisyong pangkalusugan.
Aniya, matagal na niyang isinusulong ang TB elimination, kabilang ang kaniyang naging papel bilang pangunahing may-akda ng Republic Act No. 10767 o Comprehensive TB Elimination Plan Act noong siya ay mambabatas.
Binigyang-diin ng gobernador na kailangang suriin ang kasalukuyang direksiyon at implementasyon ng mga programa laban sa TB matapos niyang mabanggit ang patuloy na mataas na bilang ng mga kaso sa Pilipinas.
Sa Quezon, sinabi ni Tan na proactive na isinasagawa ng pamahalaang panlalawigan ang screening ng mga vulnerable at high-risk groups, habang nagsasagawa rin ng procurement ng mga gamot upang makatulong na matugunan ang kakulangan sa suplay.
Patuloy namang isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan at TB prevention bilang bahagi ng mas malawak nitong health agenda.
Matatandaan, noong Marso ay inilunsad sa Alibijaban, San Andres ang Tuberculosis Free Barangay program bilang hakbang upang mapalakas ang kampanya laban sa sakit sa mga komunidad.
