Umabot sa 443 ambulant at food-cart vendors mula sa iba’t ibang bayan ng Quezon ang nakatanggap ng livelihood assistance sa ilalim ng STANd-Out sa Kalinisan on Wheels Livelihood Improvement Program, na isinagawa nitong Setyembre 7, 2026 sa Quezon Convention Center.
Sa pangunguna ni Governor Doktora Helen Tan, katuwang si Vice Governor Third Alcala, patuloy na pinalalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang mga programang naglalayong suportahan ang maliliit na negosyante at mapalago ang kabuhayan ng mga Quezonian.
Kabilang sa ipinamahagi sa mga benepisyaryo ang ₱10,000 halaga ng grocery package, food safety kits at mga signage na makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na operasyon at pagpapaunlad ng kanilang mga negosyo.
Bukod sa materyal na tulong, sumailalim din ang mga vendor sa mga pagsasanay ukol sa Basic Food Safety at Entrepreneurial Mind-Setting, na naglalayong palawakin ang kanilang kaalaman sa ligtas na paghahanda at pagbebenta ng pagkain, gayundin sa mas maayos na pamamahala ng kanilang kabuhayan.
Ayon sa mga programang inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan, kabilang ang STANd-Out sa Kalinisan on Wheels sa mga livelihood intervention na naglalayong mabigyan ng karagdagang suporta at puhunan ang mga nagtitinda ng pagkain gamit ang mobile food carts at iba pang katulad na negosyo.
Sa pamamagitan ng food safety kits at kaukulang pagsasanay, inaasahang mas mapananatili ng mga vendor ang kalinisan at kaligtasan ng kanilang mga paninda, kasabay ng pagpapahusay sa kanilang serbisyo para sa mga mamimili.
Patuloy rin ang pamahalaang panlalawigan sa pagpapatupad ng iba’t ibang programa para sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) at mga naghahanap ng dagdag na pagkakakitaan. Kabilang dito ang STAN on Skills, na nagbibigay ng libreng skills at livelihood training para makatulong sa mga Quezonian na magkaroon ng dagdag na kasanayan para sa negosyo o trabaho.
Samantala, 31 benepisyaryo ng STAN on Skills ang tumanggap ng sertipiko ng pagtatapos matapos makumpleto ang kanilang pagsasanay sa bookkeeping. Ang ganitong mga training ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan na palakasin ang kakayahan ng mga lokal na negosyante sa pamamahala ng kanilang kita, gastos at operasyon.
Sa pagpapatuloy ng mga programang pangkabuhayan, layunin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon na makapagbigay ng dagdag na puhunan, kasanayan at oportunidad sa mga mamamayan upang makapagsimula o mapalago ang kanilang negosyo—hakbang na inaasahang makatutulong sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya at kabuhayan sa lalawigan.
