LUCENA CITY, Quezon — Muling inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Lucena ang programang KALSADAMAYAN para sa mga sektor ng transportasyon at iba pang mahihirap na sektor ng lungsod, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at produktong petrolyo.
Sinimulan ang muling pagpapatupad ng programa sa Barangay Gulang-gulang nitong Setyembre 8, na pinangunahan ni Mayor Kuya Mark Alcala kasama ang Office of the City Agriculturist sa pamumuno ni Jaira Lou Merano, OIC City Agriculturist.
Dumalo rin at nagpahayag ng buong suporta si Leandro Gigantoca, City Director ng Department of the Interior and Local Government (DILG), gayundin ang mga opisyal ng Barangay Gulang-gulang sa pangunguna ni Kapitan Joe Mark Alcantara at SK Chairperson Thalia Llanera.
Sa ilalim ng KALSADAMAYAN program, inilaan ng pamahalaang lungsod ang mga low-cost agricultural products tulad ng bigas, gulay, prutas, itlog, at manok upang makatulong sa mga Lucenahin na higit na naaapektuhan ng pagtaas ng gastusin sa araw-araw.
Umabot sa humigit-kumulang 1,000 benepisyaryo ang nakinabang sa unang araw ng programa, kabilang ang mga kabilang sa transport sector at iba pang vulnerable sectors ng lungsod.
Ayon sa pamahalaang panlungsod, bahagi ang KALSADAMAYAN ng patuloy nitong pagsisikap na magbigay ng abot-kayang pangunahing pangangailangan at palakasin ang suporta para sa mga mamamayan sa gitna ng hamon ng pagtaas ng presyo ng bilihin.
Layunin ng programa na mailapit sa komunidad ang mga produktong pang-agrikultura sa mas mababang halaga habang pinaiigting ang malasakit at serbisyo publiko para sa bawat Lucenahin.
