Dalawampu’t pitong (27) sidecar bicycles ang ipinagkaloob ng Therma Luzon, Inc. (TLI) ng AboitizPower sa lahat ng 27 barangay ng Pagbilao bilang bahagi ng “Padyak ng Pagkalinga” project, kamakailan.
Layunin ng programa na mapalapit ang mga serbisyong pangkalusugan sa mga vulnerable sector, kabilang ang mga buntis, senior citizen, persons with disabilities o PWDs, at indigent families, sa pamamagitan ng libre at mas madaling transportasyon patungo sa Rural Health Unit (RHU).
Isinagawa ang proyekto sa pakikipagtulungan ng TLI at lokal na pamahalaan ng Pagbilao, na kapwa naglalayong tugunan ang hamon sa transportasyon at matiyak na hindi magiging hadlang ang layo o kakulangan sa pamasahe sa pagkuha ng serbisyong pangkalusugan.
Ayon sa TLI, ang programa ay patunay ng kahalagahan ng pagtutulungan ng pribadong sektor at lokal na pamahalaan upang maiugnay ang mga sektor na higit na nangangailangan sa mahahalagang serbisyong pangkalusugan.
