Dinala sa Barangay Ilayang Polo, Pagbilao, Quezon ang malawakang libreng serbisyong medikal para sa mga residente ng ilang barangay sa Pagbilao sa pamamagitan ng Medical Outreach Program Year 2 na isinagawa ngayong Setyembre 16, 2026.
Ipinagkaloob sa mga benepisyaryo ang iba’t ibang serbisyo kabilang ang medical consultation, bunot ng ngipin, laboratory tests at diagnostics, ECG, X-ray, libreng gamot, hygiene kits, minor surgery at libreng tuli.
 
Mayroon ding patient navigator mula sa Quezon Provincial Hospital Network–Quezon Medical Center (QPHN-QMC) na umaalalay sa mga pasyenteng nangangailangan ng serbisyong hindi kayang ibigay sa isinagawang medical outreach. Ito ay sa atas na rin ni Governor Doktora Helen Tan at sa suporta ni Bokal Doc Kim Tan. Tinutulungan silang maipagpatuloy ang kinakailangang serbisyo sa QMC.
Isinagawa ang programa sa pangunguna ng Office of the Vice Mayor katuwang ang Watsons Philippines at SM Foundation, Inc. Nakilahok din sa nasabing programa ang ilang miyembro ng Sangguniang Bayan na sina Kon. Eman Roces, Kon. Joseph Garcia, Kon. Cathy Garcia, Kon. Gelo Arriola, Kon. Joseph Luce, at Kon. Deony Dapla. Kasama din sa mga nagbigay ng serbisyo ang Southern Luzon Command (85th Infantry Battalion), mga grupo ng doktor at dentista mula sa Team Jesus, maging ang local PNP ng Pagbilao sa pangunguna ni PMaj. Oxina.
 
Kabilang sa mga nakinabang ang mga residente ng Barangay Ilayang Polo, Ibabang Polo, Binahaan, Silangang Malicboy, Kanlurang Malicboy, Ibabang Palsabangon at Ilayang Palsabangon, pati na rin ang mga nagmula sa iba pang barangay ng Pagbilao.
 
Ayon kay Vice Mayor Dapla, bagama’t walang nakalaang pondo ang kanilang tanggapan para sa ganitong gawain, sinisikap nilang maisakatuparan ang programa gamit ang sariling resources at sa tulong ng mga katuwang mula sa pribadong sektor.
 
Nagpasalamat din si Dapla sa mga volunteer at partner organization na naging bahagi ng programa, na layong mailapit sa mga Pagbilaoin ang mahahalagang serbisyong pangkalusugan.
Samantala, ikinatuwa ni Watsons Philippines Senior Manager for Sustainability Lexie Coloma ang muling pagsasagawa ng medical outreach sa Pagbilao. Nagpaabot din siya ng pasasalamat kay Vice Mayor Dapla sa patuloy na pakikipagtulungan sa Watsons upang maihatid ang mga serbisyong pangkalusugan sa komunidad.
 
Nagpasalamat naman ang mga opisyal ng barangay at mga benepisyaryo sa mga organisasyon, medical volunteers at iba pang katuwang na naglaan ng kanilang panahon at serbisyo para sa programa.
 
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pamahalaan, pribadong sektor at mga health partners, layunin ng programa na mas mapalapit sa mga residente ang de-kalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved