Mas pinadali na ngayon para sa mga pasyente at kanilang pamilya ang direktang pagpaparating ng kanilang mga papuri, hinaing at iba pang karanasan sa mga pampublikong ospital sa lalawigan sa pamamagitan ng online feedback channel ng Provincial Health Office (PHO).
Sa pamamagitan ng QR code na inilatag ng tanggapan o sa online link na https://bit.ly/QHCPNCARES, maaaring direktang isumite ng mga pasyente at kanilang pamilya ang kanilang mga concern upang agad itong matanggap at maproseso ng kinauukulang tanggapan.
Layunin ng sistema na mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng panig na marinig, makuha ang kumpletong detalye ng isang insidente, at maisagawa ang kaukulang pagsusuri o imbestigasyon kung kinakailangan.
Binigyang-diin ng PHO ang kahalagahan ng pagbibigay ng first-hand at wastong impormasyon, lalo na sa mga sensitibong usapin na may kaugnayan sa kalagayan o pagkamatay ng isang pasyente.
Ayon sa tanggapan, maaaring magkaroon ng kakulangan o hindi pagkakaunawaan sa impormasyon kapag ang isang pangyayari ay naipapasa lamang sa pamamagitan ng mga taong hindi direktang nakasaksi o nakaranas nito.
Kasabay nito, tiniyak ng Provincial Health Office at ni Governor Doktora Helen Tan na nananatiling bukas ang mga pampublikong ospital sa mga puna, mungkahi at papuri mula sa publiko.
Hindi lamang pagtugon sa mga reklamo ang layunin ng direktang feedback system, kundi ang paggamit din sa mga karanasan ng mga pasyente bilang gabay sa patuloy na pagpapahusay ng kalidad ng serbisyong pangkalusugan sa buong lalawigan.
Hinihikayat ang mga pasyente at kanilang pamilya na gamitin ang opisyal na feedback channel upang direktang maiparating sa kinauukulang tanggapan ang kanilang mga karanasan at concern.
