Muling nagtungo sa Senado si Infanta Mayor Lord Arnel “L.A.” Ruanto noong Setyembre 30 upang humingi ng karagdagang suporta at pondo para sa mga pangunahing proyekto at pangangailangan ng bayan.
Ayon kay Ruanto, nasa ₱80 milyon lamang kada taon ang Economic Development Fund ng munisipyo na kailangang pagkasyahin sa mga proyekto sa mga barangay at iba pang sektor.
Sinabi ng alkalde na hindi ito sapat upang matugunan ang mga pangangailangan ng halos 100,000 residente ng Infanta, batay sa Comprehensive Household Information System (CHIS) ng munisipyo.
Kasama si Vice Mayor Mannie America, ilang konsehal at Municipal Administrator, iniulat ni Ruanto ang mga pondong nakuha o commitment para sa iba’t ibang proyekto, kabilang ang ₱20 milyon para sa improvement at expansion ng evacuation center sa Gumian sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF) sa tulong ni Executive Secretary Ralph Recto at Usec. Georgina Yang; ₱50 milyon na commitment para sa bagong municipal building sa tulong ni Sen. JV Ejercito; pondo para sa modernization at expansion ng Infanta Municipal Fishport at Passenger Port sa tulong ni Sen. Kiko Pangilinan.
Gayundin, ang karagdagang mga classroom upang tugunan ang mahigit 100 classroom backlog sa bayan sa tulong ni Sen. Bam Aquino; mga health facilities para sa bubuksang Super Health Center at infirmary hospital sa tulong ni Sen. Risa Hontiveros; karagdagang pondo para sa pagsasaayos ng pamilihang bayan; at DOLE TUPAD assistance para sa mga benepisyaryo sa Infanta sa tulong ni Sec. Francis Tolentino.
Nagpasalamat din si Ruanto sa mga opisyal ng pamahalaan at senador na aniya ay patuloy na nagbibigay ng suporta at tulong sa mga proyekto ng Infanta tulad nina Senate President Sherwin Gatchalian, Sen. Migz Zubiri, Sen. Bong Go, Sen. Joel Villanueva, Sen. Lito Lapid, Sen. Robin Padilla at Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay Ruanto, patuloy na naghahanap ang lokal na pamahalaan ng mga paraan upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga proyektong tutugon sa pangangailangan ng mga residente.
