Umabot sa 8,428 benepisyaryo ang nakatanggap ng iba’t ibang serbisyong medikal sa dalawang magkahiwalay na Kalinga sa Mamamayan, Libreng Gamutan na isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa Lucena City noong Setyembre 26 at 27.
Noong Setyembre 26 sa Barangay Gulang-Gulang, nasa 3,076 residente ang nakinabang sa medical mission na isinagawa sa pangunguna nina Governor Doktora Helen Tan at Vice Governor Third Alcala kasama sina Bokal Doc Kim Tan at Bokal Vinnette Alcala-Naca
Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ang medical at dental consultation, ophthalmology services, laboratory at diagnostic procedures gaya ng X-ray, ultrasound, ECG, cholesterol, uric acid, FBS/RBS at CBC, gayundin ang iba’t ibang screening at minor surgical procedures.
Kasabay nito, nagsagawa rin ng Veterinary Mission ang Office of the Provincial Veterinarian, kabilang ang veterinary consultation, anti-rabies vaccination at neutering para sa mga alagang hayop ng mga residente.
Samantala, noong Setyembre 27 sa Lucena West 1 Elementary School sa Barangay Ilayang Iyam, umabot naman sa 5,352 benepisyaryo ang nakinabang sa isa pang Kalinga sa Mamamayan, Libreng Gamutan.
Kabilang sa mga serbisyong inilapit sa komunidad ang konsultasyon sa mata at kalusugan, dental extraction, libreng gamot at iba pang serbisyong medikal.
Sa pinagsamang bilang, 8,428 residente ang nabigyan ng serbisyong medikal sa dalawang araw na medical mission sa Lucena City.
Hindi lamang serbisyong pangkalusugan ang inilapit ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga residente. Kasabay ng mga medical mission, isinagawa rin ang pamamahagi ng agricultural inputs at iba pang suporta para sa mga magsasaka at mangingisda.
Noong Setyembre 26 sa Barangay Gulang-Gulang, namahagi ang Office of the Provincial Agriculturist o OPA, sa pangunguna ni Provincial Agriculturist Dr. Ana Clarissa S. Mariano, ng assorted vegetable seeds, urea, complete fertilizer, vermicompost, foliar fertilizer, mga kagamitang pangsaka at iba pang inputs para sa vegetable at rice production, gayundin ang fishing paraphernalia.
Noong Setyembre 27 naman sa Barangay Ilayang Iyam, muling inilapit sa mga magsasaka at mangingisda ang mga kagamitang pang-agrikultura at libreng konsultasyon upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan at mabigyan sila ng karagdagang gabay at suporta.
Bahagi ang mga aktibidad ng patuloy na programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon na ilapit sa mga komunidad ang mga serbisyong pangkalusugan, pang-agrikultura at iba pang tulong para sa pang-araw-araw na pangangailangan at kabuhayan ng mga Quezonian.
