Nasa P6 bilyon ang panukalang pondo para sa Maharlika Highway sa 2027, habang P1.2 bilyon naman ang inilaan para sa Lopez Viaduct, ayon kay Quezon 4th District Rep. Atorni Mike Tan.
Batay sa 2027 National Expenditure Program (NEP) proposal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kabilang din sa mga bibigyang-pansin ang Quirino Highway at Gumaca Bypass Road.
Ayon kay Tan, nasa 90 kilometro ng Maharlika Highway at humigit-kumulang 30 kilometro ng Quirino Highway ang sakop ng ikaapat na distrito, na bumabagtas sa anim sa sampung bayan nito.
Sinabi ni Tan na mahalaga ang Lopez Viaduct bilang panukalang elevated road upang mabawasan ang pagkaantala ng biyahe, partikular sa mga bahaging madalas maapektuhan ng pagbaha.
Personal umanong sinuri ni DPWH Secretary Vince Dizon ang kalagayan ng mga pangunahing kalsada sa distrito at nangako noong budget deliberations sa Kamara na bibigyang-pansin ang mga sirang bahagi ng Maharlika Highway.
Sinabi rin ni Tan na patuloy siyang makikipag-ugnayan at magbabantay sa DPWH upang matiyak na maayos na maisasakatuparan ang mga proyektong nakalaan para sa Maharlika Highway, Quirino Highway at Lopez Viaduct.
Layunin aniya ng mga proyekto na magkaroon ng mas ligtas, maayos at de-kalidad na mga pangunahing daanan para sa mga residente ng ikaapat na distrito at iba pang biyahero.
