Kinilala ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang Quezon Chronos dahil sa mahalagang papel nito sa pagpapalaganap ng tama, napapanahon, at mapagkakatiwalaang impormasyon tungkol sa mga programa, benepisyo, at serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan.

Iginawad ang pagkilala sa ginanap na 2026 Media Pasasalamat na may temang “Kasama sa Kuwento, Katuwang sa Serbisyo” noong Oktubre 22 sa Hotel Marciano sa Calamba City, Laguna, bilang pagpapahalaga sa kontribusyon ng mga mamamahayag at media organization mula sa Quezon, Cavite, at Laguna.

Pinangunahan ni PhilHealth Regional Office IV-A Acting Regional Vice President Dr. Edwin M. Oriña ang paggawad ng mga sertipiko ng pagkilala sa mga media partner na aktibong nakikipagtulungan sa ahensiya upang maihatid sa publiko ang mahahalagang impormasyon tungkol sa mga serbisyong maaari nilang mapakinabangan.

Sa pamamagitan ng patuloy na paghahatid ng mga balitang may kaugnayan sa serbisyong pangkalusugan, nagsisilbing mahalagang tulay ang Quezon Chronos upang higit na maunawaan ng mga Quezonian ang kanilang mga benepisyo at ang mga programang inilulunsad ng PhilHealth.

Bilang katuwang ng ahensiya, pinagtitibay ng Quezon Chronos ang pangako nitong patuloy na maghatid ng wasto at napapanahong impormasyon upang mapataas ang kamalayan ng publiko at matulungan ang mga mamamayan na magkaroon ng sapat na kaalaman sa mga serbisyong pangkalusugan na maaari nilang makuha.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved