Pinalawak ng Aboitiz Power–Therma Luzon Inc. (TLI) ang kaalaman ng mga mamamahayag at Public Information Officers (PIOs) sa kaligtasan sa kalsada at kahandaan sa emergency sa pamamagitan ng #SafeStations seminar na isinagawa sa Inwood Tavern, Lungsod ng Tayabas, noong Oktubre 28.
Dumalo sa aktibidad ang mga miyembro ng media at PIOs mula sa iba’t ibang bahagi ng Quezon Province upang matutuhan ang mga hakbang sa ligtas na pagbiyahe at wastong pagtugon sa mga sitwasyong pang-emergency habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa pagbabalita at paghahatid ng impormasyon sa publiko.
Pinangunahan ni Engr. Mayshelle Rosario, Director ng Global Technical Center of Excellence, ang mga tagapagsalita sa seminar, kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng malasakit, pag-iingat at pagpapaigting ng kultura ng kaligtasan.
Bilang bahagi ng programa, namahagi rin ang Aboitiz Power–TLI ng Emergency Go Bags sa mga dumalo at fire extinguisher para sa mga radio station upang makatulong sa paghahanda sa mga posibleng emergency.
Sa pamamagitan ng #SafeStations, layunin ng kumpanya na palakasin ang kaalaman at kakayahan ng mga media practitioner at information officers sa pag-iwas sa panganib at pagtugon sa mga emergency, lalo na sa pagtupad nila sa kanilang tungkuling maghatid ng napapanahon at mahalagang impormasyon sa publiko. (Reygan Mantilla)
