Kinilala ang Lalawigan ng Quezon bilang Exemplary Local Government Unit (LGU) at Top Performing Province sa 2026 CALABARZON SubayBAYANI Awards ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Oktubre 28, bilang pagkilala sa kahusayan nito sa pamamahala, pagsubaybay, at pag-uulat ng mga proyektong pang-imprastraktura.
Ipinagkaloob ang pagkilala bilang pagpapatunay sa pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan na itaguyod ang transparency, accountability, at mahusay na pagpapatupad ng mga proyektong pinopondohan ng pamahalaan.
Kabilang sa mga pangunahing batayan ng parangal ang maayos na pagsubaybay at napapanahong pag-uulat ng implementasyon ng mga Locally-Funded Projects (LFPs) sa pamamagitan ng SubayBAYAN System, na ginagamit upang subaybayan ang progreso at pagpapatupad ng mga lokal na proyektong pang-imprastraktura.
Kaugnay nito, iniulat din ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Engineering Office ang pagkakaloob ng pagkilala sa proyektong dalawang palapag na may anim na silid-aralan sa Sariaya, Quezon, bilang bahagi ng 2026 CALABARZON SubayBAYANI Awards – LGU Exemplary Awards.
Ang SubayBAYANI Awards ay programa ng DILG na nagbibigay-pagkilala sa mga lokal na pamahalaang nagpapakita ng kahusayan, inobasyon, transparency, at pananagutan sa pamamahala at pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura.
Sa kabila ng pagkilalang ito, inaasahang patuloy na pagbubutihin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Governor Doktora Helen Tan ang pagpaplano, pagpapatupad, at pagsubaybay sa mga proyektong pang-imprastraktura upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan at maisulong ang mas maunlad na lalawigan.
