Labinlimang (15) college scholars mula sa Pagbilao, Quezon na kumukuha ng kursong Accountancy at Engineering sa Southern Luzon State University (SLSU) – Lucban ang tumanggap ng financial allowance mula sa Therma Luzon, Inc. (TLI), isang subsidiary ng AboitizPower, katuwang ang Aboitiz Foundation, Inc., bilang bahagi ng pagsusulong ng edukasyon at paghubog sa susunod na henerasyon ng mga propesyonal.

Pinangunahan nina TLI Assistant Vice President for Corporate Services Lou Jason Deligencia at Reputation and Stakeholder Management Manager Kirk Coronel ang pamamahagi ng allowances.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Deligencia na hindi lamang matrikula at pinansiyal na tulong ang layunin ng scholarship program, kundi ang paglinang din sa kakayahan ng mga estudyante sa pamamagitan ng praktikal na karanasan, mahusay na komunikasyon at tiwala sa sarili.

Nagbahagi rin ng inspirasyon si Engr. Ren Mark Albuero, dating TLI scholar sa loob ng walong taon mula high school hanggang kolehiyo at ngayo’y lisensiyadong Mechanical Engineer at Cadet Engineer ng kumpanya.

Hinimok ni Albuero ang mga iskolar na pahalagahan ang tulong na kanilang natatanggap, magsikap sa pag-aaral at hangaring maging inspirasyon din sa susunod na henerasyon ng mga mag-aaral.

Dumalo rin sa aktibidad ang mga kinatawan ng pamunuan ng SLSU, kabilang sina Vice President for Academic Affairs Dr. Dhenalyn Aquino-Dejelo, Dean ng Office of Student Affairs and Services Prof. Aurelio Teodoro Maguyon III, at Scholarship and Financial Assistance Unit Head Geraldine Contreras.

Hinimok naman ng mga kinatawan ng unibersidad ang mga iskolar na panatilihin ang kahusayan sa akademiko at magsikap hanggang sa pagtatapos ng kanilang mga kurso.
Sa pamamagitan ng programang ito, patuloy na isinusulong ng TLI at Aboitiz Foundation ang edukasyon bilang mahalagang instrumento sa paghubog ng mga susunod na lider at sa pagpapaunlad ng mga komunidad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved