Ligtas ang 40 pasahero at 18 tripulante ng MV Virgen de Peñafrancia II matapos itong tumagilid sa kanang bahagi dakong alas-12:44 ng madaling araw, Oktubre 30, may 10 metro mula sa Real Port, Barangay Ungos, Real, Quezon.

Agad na rumesponde ang Philippine Coast Guard (PCG) Real at nailikas ang lahat ng sakay ng barko. Kinumpirma ng MDRRMO-Real na nasa matatag na kondisyon ang mga ito.

Base sa ulat, namataan ang manipis na patong ng langis sa hulihang bahagi ng barko. Nakatakdang magpakalat ng oil spill booms ang PCG upang maiwasan ang pagkalat nito at masuri ang posibleng epekto sa kapaligiran.

Samantala, sa inilabas na public advisory ng Starhorse Shipping Lines Inc., nakumpleto ang pagrarampa ng barko, subalit napatid umano ang mga lubid na sumusuporta rito dahil sa napakalakas na agos ng tubig, dahilan upang tumagilid ito.

Tiniyak ng kumpanya na kumpleto at ligtas ang lahat ng tripulante at pasahero. Nakikipag-ugnayan na rin ito sa Philippine Coast Guard at iba pang awtoridad upang matukoy ang mga detalye ng insidente at magbigay ng karagdagang impormasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved