Tiniyak ng AboitizPower-Therma Luzon, Inc. (TLI) ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa Luzon Grid sa kabila ng inaasahang epekto ng Very Strong El Niño, kasabay ng paghahanda sa posibleng kakulangan sa tubig at pagpapatuloy ng mga programang pangkalikasan at pangkabuhayan sa Quezon.

Sa Kapihan sa PIA Quezon sa Pacific Mall, Lucena City, nitong Oktubre 27, sinabi ni Lou Jason Deligencia, Assistant Vice President for Corporate Services ng AboitizPower-TLI, na patuloy ang maintenance ng mga kagamitan at pagpapanumbalik ng seawater systems upang matiyak ang maayos na operasyon ng planta.

Ang Pagbilao Power Station sa Barangay Ibabang Polo, Pagbilao, Quezon ay may tatlong generating unit na may kabuuang kapasidad na 1,200 megawatts, na tinatayang nakatutugon sa 15 hanggang 20 porsiyento ng pangangailangan sa kuryente ng Luzon sa panahon ng peak demand.
Bilang paghahanda sa matinding init, pinag-aaralan din ng kumpanya ang angkop na work arrangement para sa mga manggagawa at nakikipagtulungan sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pamamahagi ng solar-powered water pumps.

Tiniyak din ni Deligencia ang pagsunod ng kumpanya sa mga pamantayang pangkalikasan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Kabilang sa mga programa nito ang tree planting, coastal clean-up, marine biology studies at pagtatayo ng artificial coral reefs para sa pangangalaga ng karagatan.

Samantala, sinabi ni Kirk Coronel, Reputation and Stakeholder Management Manager ng AboitizPower-TLI, na patuloy din ang mga programang pangkomunidad ng kumpanya, kabilang ang libreng serbisyong medikal, suporta sa edukasyon at mga proyektong pangkabuhayan para sa mga residente ng Quezon. (Reygan Mantilla)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved