Pinalalawak ng lokal na pamahalaan ng Infanta ang mga hakbang upang matugunan ang krisis sa mababang presyo at sobrang suplay ng baboy sa bayan, kabilang ang rehabilitasyon ng municipal slaughterhouse, pagpapalawak ng pamilihan, at pagsusulong ng mga produktong processed meat upang matulungan ang mga lokal na hog raiser.

Sa pahayag ni Mayor Lord Arnel “L.A.” Ruanto sa kanyang opisyal na Facebook page, sinabi niyang kinakailangang magkaroon ng sistematikong solusyon sa problemang kinakaharap ng mga magbababoy, sa halip na umasa lamang sa pagtaas ng presyo ng kanilang mga alagang hayop.

Batay sa paunang ulat ng Office of the Municipal Agriculturist noong Oktubre 28, 2026, umabot sa 10,412 ulo ang kabuuang imbentaryo ng baboy sa Infanta, kabilang ang 3,741 fatteners o mga baboy na pinalalaki para katayin.

Samantala, nasa 668 ulo lamang ang karaniwang naiuulat na kinakatay kada buwan sa municipal slaughterhouse, habang tinatayang 3,703 ulo ang sobrang suplay batay sa paunang pagtataya ng tanggapan.

Ayon kay Ruanto, nagmumula ang krisis sa hindi pagtutugma ng dami ng baboy na handa nang ibenta at ng kapasidad ng lokal na merkado na bumili at tumanggap ng suplay.

Sa kasalukuyan, nasa ₱120 hanggang ₱150 kada kilo ang naiuulat na farmgate price ng buhay na baboy sa Infanta, na nagdudulot ng pangamba sa mga raiser na nahihirapang mabawi ang kanilang puhunan dahil sa mataas na gastos sa pagpapakain at pag-aalaga.

Bilang tugon, isinusulong ng lokal na pamahalaan ang pansamantalang moratoryum sa pagpapalawak ng operasyon at restocking na lalampas sa rehistradong kapasidad sa ilalim ng Executive Order No. 49, Series of 2026, gayundin ang pagpapagana sa Municipal Price Coordinating Council sa bisa ng EO No. 50, Series of 2026.

Layunin ng mga hakbang na ito na masubaybayan ang suplay at presyo ng baboy, makumpleto ang imbentaryo sa mga barangay, at mapalawak ang ugnayan ng mga hog raiser sa mga trader, meat vendor, restaurant, meat processor at iba pang institutional buyer.

Samantala, agad ding ipinag-utos ni Ruanto ang pagsasaayos ng municipal slaughterhouse matapos niyang magsagawa ng sorpresang inspeksiyon na naglantad sa matagal nang napabayaang kondisyon ng pasilidad.

Ayon sa alkalde, hindi na dapat magtuon sa paghahanap ng masisisi, kundi sa disiplina, rehabilitasyon at pagbibigay ng kinakailangang suporta upang mapahusay ang operasyon ng katayan.

Target ng lokal na pamahalaan na makamit ng slaughterhouse ang Double A classification, na magbubukas ng oportunidad upang maibenta ang karne sa mas malawak na pamilihan sa labas ng Infanta, alinsunod sa mga naaangkop na pamantayan at regulasyon.

Sa kasalukuyan, Locally Registered Meat Establishment classification ang tinutukoy na katayuan ng pasilidad, na naglilimita sa saklaw ng pagbebenta ng karne sa lokal na konsumo.

Kasabay nito, binubuo rin ang isang meat processing program na posibleng magluwal ng mga lokal na produktong gaya ng Infanta Longganisa, InfanTocino at InfanTAPA.

Sa pamamagitan nito, inaasahang mabibigyan ng karagdagang oportunidad ang mga hog raiser, kooperatiba at maliliit na negosyante sa pamamagitan ng pagproseso at pagbebenta ng mga produktong may dagdag na halaga.

Gayunman, binigyang-diin ni Ruanto na kailangang tiyakin ang pangangailangan ng merkado, gastos sa produksyon, sapat na pasilidad, food safety requirements at mga kinakailangang permit bago ganap na maisakatuparan ang programa.

Hinimok din ng alkalde ang mga magbababoy na makiisa sa mga hakbang ng pamahalaan at magtulungan upang mapatatag ang industriya ng paghahayupan sa bayan.

Aminado si Ruanto na hindi agad matitiyak ang pagtaas ng presyo ng baboy, subalit nangako siyang ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ang koordinasyon, konsultasyon at paghahanap ng mga solusyong nakabatay sa datos.

Layunin ng mga hakbang na malampasan ang kasalukuyang krisis at makabuo ng mas matatag na industriya ng paghahayupan na magbibigay ng makatarungang oportunidad sa mga raiser habang pinananatiling abot-kaya ang karne para sa mga mamimili. (Reygan Mantilla)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved