Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Arts Month 2026 na may temang “Ani ng Sining: Katotohanan at Giting,” pormal nang binuksan sa publiko ang art exhibition na pinamagatang “Pagtingin” ngayong Lunes, Pebrero 16, sa Provincial Tourism Gallery sa Capitol Compound, Lucena City.
Tampok sa nasabing exhibit ang kabuuang limampu’t walong (58) obra maestra mula sa mahuhusay na local artists na nagmula sa iba’t ibang distrito ng lalawigan ng Quezon Province.
Ipinapakita sa bawat pinta at likhang-sining ang malikhaing kaisipan ng mga Quezonian na sumasalamin sa mayamang kasaysayan, kultura, at natatanging pagkakakilanlan ng lalawigan.
Layunin ng exhibit na higit pang palaganapin ang pagpapahalaga sa sining at suportahan ang mga lokal na alagad ng sining, kasabay ng pagdiriwang ng National Arts Month ngayong Pebrero.
Bukas sa publiko ang “Pagtingin” mula Pebrero 16 hanggang Marso 16.
Inaanyayahan ang lahat na bisitahin ang exhibit upang masilayan at masuportahan ang kahusayan at talento ng mga kapwa Quezonian.












