Pinangunahan ni Governor Doktora Helen Tan kasama si Vice Governor Third Alcala at mga Municipal Mayor sa pangunguna ni Lopez Mayor Sonny Ubana ang pagpapasinaya sa bagong tanggapan ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) Quezon Chapter ngayong Huwebes, Pebrero 19, sa Governor’s Mansion Compound sa Lungsod ng Lucena.
Ayon sa samahan ng mga punong bayan, mahalaga ang pagkakaroon ng isang opisyal at nakalaang tanggapan para sa LMP sapagkat magsisilbi itong sentrong lugar para sa mga pagpupulong, talakayan, at pagpaplano ng mga programa at proyekto ng mga alkalde sa buong lalawigan. Inaasahan ding magdudulot ito ng mas mabilis at mas epektibong pagresolba ng mga isyung kinahaharap ng kani-kanilang nasasakupan.
Binigyang-diin na ang bagong LMP Quezon Chapter Office ay hindi lamang isang gusali kundi isang mahalagang hakbang tungo sa mas pinaigting na pagtutulungan at mas matatag na pamamahala para sa kapakinabangan ng mamamayan ng lalawigan.
Kasunod ng pagbabasbas sa gusali, isinagawa ang Regular Monthly Meeting ng grupo kung saan opisyal na nilagdaan ang Kasunduan sa Usufruct sa pagitan ni Gov. Tan at ng pamunuan ng LMP Quezon Chapter para sa paggamit ng espasyo ng lalawigan bilang opisina ng samahan.
Tinalakay rin sa pulong ang pagbibigay-awtoridad para sa preparasyon ng opisyal na website ng LMP Quezon Chapter at ang pagbuo ng komite para sa paggawa ng kanilang opisyal na by-laws.
Nagkaroon din ng presentasyon hinggil sa electric mobility bilang bahagi ng mga makabagong inisyatiba para sa mga lokal na pamahalaan.
Sa huli, tiniyak ng mga kasapi ng LMP na patuloy nilang palalakasin ang ugnayan at kooperasyon ng bawat lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Quezon upang makabuo ng malinaw na mga patakaran at maayos na sistema na magpapahusay sa paghahatid ng serbisyo publiko.







