Nakilahok si Governor Doktora Helen Tan sa pormal na paglulunsad ng 2026 Local Government Support Fund (LGSF) na ginanap ngayong Lunes, Pebrero 23, sa Malacañang Palace sa Metro Manila.
Ang seremonya ay pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasama ang mga gobernador mula sa iba’t ibang lalawigan sa ilalim ng League of the Provinces of the Philippines.
Layunin ng 2026 LGSF na maglaan ng karagdagan at agarang pondo sa mga lokal na pamahalaan upang mas mapabilis ang implementasyon ng mga prayoridad na programa at proyekto sa kani-kanilang nasasakupan. Kalakip din nito ang teknikal na suporta mula sa pambansang pamahalaan upang matiyak ang maayos na pagpaplano, pagpoproseso, at pagpapatupad ng mga proyekto.
Kabilang sa mga inaasahang mabibigyan ng mas pinalakas na suporta ang mga programang pangkalusugan, pang-imprastraktura, at pang-edukasyon—mga serbisyong direktang makikinabang ang mga mamamayan sa bawat probinsya.
Binigyang-diin sa paglulunsad na mahalaga ang mas malapit na koordinasyon ng pambansa at lokal na pamahalaan upang mapabilis ang paghahatid ng serbisyo publiko, lalo na sa mga komunidad na nangangailangan ng agarang tulong at pagpapaunlad.
Inaasahan na ang LGSF ay magsisilbing mahalagang hakbang sa patuloy na pagpapalakas ng kapasidad ng mga lokal na pamahalaan sa buong bansa. Sa pamamagitan nito, layon ng administrasyon na maisulong ang mas episyente, inklusibo, at sustenableng pag-unlad tungo sa mas maayos at mas progresibong mga lalawigan.
