Nakiisa ang Sto. Niño Parish sa Brgy. Manggalang Kiling, Sariaya sa paninindigan ng mga magsasaka, mangingisda, at kabataan na apektado ng desisyon ng Korte Suprema na kanselahin ang kanilang mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA).

Sa isinagawang misa, nag-alay ng panalangin ang simbahan para sa mga pamilyang nangangamba na tuluyang mabawi ang lupang matagal na nilang pinagpaguran at pinagkukunan ng kabuhayan. Sama-samang idinulog sa Diyos ang kanilang hinaing at pag-asang manaig ang katarungan at malasakit para sa libo-libong apektadong residente.

Sa kanyang homiliya, binigyang-diin ng Parish Priest ang kahalagahan ng pagkakaisa, matibay na pananampalataya, at pagtitiwala sa Diyos lalo na sa panahon ng matinding pagsubok. Inialay din ang espesyal na panalangin para sa patuloy na paggabay at tulong upang mapanatili sa mga magsasaka ang lupang nagsisilbing pundasyon ng kanilang kabuhayan at kinabukasan ng kanilang pamilya.

Matapos ang misa, nagsama-sama ang mga miyembro ng komunidad upang ipahayag ang kanilang saloobin at panawagan. Muli nilang pinagtibay ang kanilang apela kina Sariaya Mayor Marivic Gayeta, Secretary Conrado Estrella III ng Department of Agrarian Reform, Pangulong Bongbong Marcos, at Senador Kiko Pangilinan upang agarang tugunan ang kanilang mga kahilingan at makahanap ng makatarungang solusyon sa usapin.

Makikita ang matibay na pagkakaisa ng mga residente—matatanda, kabataan, at mga magulang—na sama-samang nanindigan para sa kanilang karapatan. Naging sentro ng pagkakabuklod ang simbahan, kung saan ang parish priest ay hindi lamang naging tagapagdiwang ng Eukaristiya kundi katuwang din sa adbokasiya ng komunidad.

Sa kanyang pagtindig, malinaw na ipinahayag ng pari ang suporta at pakikiisa ng simbahan sa laban ng mga magsasaka.

Sa pagtatapos ng programa, nanaig ang diwa ng pag-asa at pagtutulungan—patunay na sa ilalim ng pananampalataya at pagkakaisa, mas nagiging matatag ang komunidad sa pagharap sa anumang hamon.

Source: Katarungan-Kilusan para sa Repormang Agraryo at Katarungan Panlipunan

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved