Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Arts Month na may temang “Ani ng Sining: Katotohanan at Giting,” matagumpay na naisagawa ang isang cultural show sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Lucena Dalahican National High School at ng City Government of Lucena sa ilalim ng pangangasiwa ng Lucena Council for Culture and the Arts (LCCA).
Isinagawa ang aktibidad sa SM City Lucena Event Center, na patuloy na nakikiisa sa pagsusulong ng sining at kultura sa lungsod.
Tampok sa programa ang makukulay at kahanga-hangang pagtatanghal ng Sinlayag Dance Troupe at Soul Surfer Chorale, na binubuo ng mga mag-aaral ng Lucena City National High School.
Ipinamalas ng mga kalahok ang kanilang husay sa larangan ng sayaw at musika sa pamamagitan ng mga awiting-bayan, katutubong sayaw, at festival dances na sumasalamin sa mayamang pamana at identidad ng kulturang Pilipino.
Sa mensahe ng panauhing pandangal na si John Anthony Basco, binigyang-diin niya na ang sining ay nagsisimula sa katotohanan at kinakailangang itanim at alagaan upang patuloy na mamunga.
Hinikayat din niya ang mga kabataan na maging matatag sa kanilang identidad at patuloy na isulong ang sining bilang tagapagkuwento at tagapag-ingat ng alaala ng komunidad.
Pinagtibay ng aktibidad ang kahalagahan ng matibay na ugnayan ng paaralan, pamahalaan, at pribadong sektor sa paghubog ng kabataang may malasakit at pagpapahalaga sa kultura at sining.
Nagpaabot naman ng pagbati at pasasalamat si Mayor Mark Alcala sa Department of Education – Lucena City Division, sa pamunuan, mga guro, at mag-aaral ng Lucena Dalahican National High School, gayundin sa mga magulang na naging katuwang sa tagumpay ng programa.
Pinasalamatan din niya si Dr. Luzviminda Calzado para sa patuloy na pagsuporta sa mga programang nagtataguyod ng sining at kultura sa lungsod.
Source: LCCA






