Pinagtibay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang patuloy na pagtugon sa kakulangan sa silid-aralan matapos pormal na pasinayaan ni Governor Doktora Helen Tan ang bagong 2-Storey, 8-Classroom Building sa Lucena City National High School – Mayao Crossing Extension kahapon, Pebrero 12.
Matapos ang isang dekadang paggamit ng make-shift classrooms, magkakaroon na ng mas maayos at ligtas na pasilidad ang mga mag-aaral sa nasabing paaralan.
Sa kasalukuyan, ito ang pinakamalaki at may pinakamaraming silid-aralan na ipinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan.
Ang gusali ay idinisenyong typhoon-resilient at may mga solar panels, sariling comfort rooms, water tank para sa maayos na suplay ng tubig, at kumpleto sa mga upuan, na naglalayong tiyakin ang komportable at episyenteng kapaligiran sa pag-aaral.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Governor Tan ang kahalagahan ng pagtugon sa kakulangan ng mga silid-aralan sa lalawigan.
“Sinikap naming unahin ang kakulangan sa classroom,” ani ng gobernador.
Ibinahagi rin niya ang iba’t ibang programang pang-edukasyon ng Kapitolyo tulad ng One Poor Family, One College Graduate Scholarship Program at Priority Courses Scholarship and Return of Service Program, kasama ang iba pang tulong pinansyal upang masuportahan ang mga mag-aaral sa pagtupad ng kanilang mga pangarap.
Samantala, pinangunahan din ni Governor Tan ang groundbreaking ceremonies para sa mga itatayong 2-Storey, 4-Classroom Buildings sa Bignay 1 Elementary School sa Sariaya, Sta. Catalina Norte Elementary School sa Candelaria, at Matipunso Elementary School sa San Antonio.
Ang mga itatayong gusali ay magiging typhoon-resilient din at may sariling water collection system at solar panels. Bawat silid-aralan ay magkakaroon ng mga upuan, electric fan, telebisyon, at sariling comfort room.
Sa pamamagitan ng mga proyektong ito, patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ang pagtatayo ng mas maraming de-kalidad at matitibay na gusaling pang-edukasyon upang matiyak na ang bawat mag-aaral na Quezonian ay may ligtas, komportable, at angkop na kapaligiran para sa mas epektibo at makabuluhang pagkatuto.
Nakasama ni Governor Tan sa naturang mga aktibidad sina Vice Governor Third Alcala at 2nd District Board Member Doc Kim Tan.
Source: Balitang Stan


















