Patay
ang isang 37-anyos na empleyado ng Municipal Disaster Risk Reduction and
Management Office (MDRRMO) matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa
nakikilalang suspek sa isang naganap na pag- ambush sa Barangay Lutucan 1,
Sariaya, Quezon ngayong Miyerkules ng umaga.
Kinilala
ang biktima na si “Pepe,” 37, may-asawa, empleyado ng Sariaya MDRRMO at
residente ng Brgy. Lutucan, Malabag, Sariaya, Quezon.
Batay
sa ulat ng Sariaya Municipal Police Station, alas-7:50 ng umaga nang
makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa naganap na
pamamaril sa nasabing lugar.
Sa
isinagawang imbestigasyon, lumitaw na dakong alas-7:30 ng umaga at papasok na
sana sa trabaho ang biktima nang tambangan ito ng dalawang armadong suspek na
magkaangkas sa isang hindi pa natukoy na motorsiklo.
Ayon
pa sa report, pagsapit ng biktima sa bahagi ng railroad crossing sa Brgy.
Lutucan 1 ay bigla na lamang sumulpot ang mga salarin at sunud-sunod itong
pinagbabaril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa
kuha ng CCTV sa lugar, nakita umano ang isa sa mga suspek na lumapit sa
sasakyan ng biktima at pinaputukan ang driver’s side bago mabilis na tumakas
kasama ang kasabwat nito.
Agad
namang rumesponde ang mga tauhan ng Sariaya MDRRMO at isinugod ang biktima sa
Ace Medical Center sa Sariaya para lapatan ng lunas, ngunit idineklara itong
dead-on-arrival ng attending physician na si Dra. Sade Satorre.
Nagsagawa
na ng imbestigasyon ang mga pulis sa insidente, habang patuloy ang
pakikipanayam sa mga posibleng testigo at pagba-backtrack sa mga CCTV footage
sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.
Humingi
na rin ng tulong ang pulisya sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa
masusing pagproseso ng crime scene.
Sa
ngayon, under investigation pa ang kaso habang nananatiling at large ang
dalawang suspek. Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaslang.
