Idineklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang State of National Energy Emergency sa bansa sa pamamagitan ng Executive Order No. 110, s. 2026, bilang tugon sa banta ng kakulangan sa suplay ng langis at pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang merkado.

Sa ilalim ng kautusan, pinahintulutan ang pagpapatupad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) na magsisilbing komprehensibong tugon ng pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng krisis sa ekonomiya at sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Ayon sa Malacañang, ang deklarasyon ay bunsod ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan na nagdudulot ng kawalang-katiyakan sa pandaigdigang suplay ng langis, pagkagambala sa supply chain, at patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo na maaaring magbanta sa seguridad ng enerhiya ng bansa.

Sa ilalim ng state of emergency na inaasahang tatagal ng isang taon, maaaring magpatupad ang pamahalaan ng mga agarang hakbang upang matiyak ang sapat na suplay ng enerhiya, kabilang ang mas mabilis na pagkuha o pag-angkat ng langis at iba pang petroleum products.

Bubuo rin ng komite na mangangasiwa sa maayos na distribusyon ng mahahalagang produkto tulad ng langis, pagkain, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan, upang matiyak na hindi maaantala ang operasyon ng transportasyon at iba pang mahahalagang serbisyo sa bansa.

Layunin ng hakbang na maprotektahan ang kabuhayan ng mamamayan at matiyak ang katatagan ng ekonomiya habang hinaharap ng bansa ang epekto ng pandaigdigang krisis sa enerhiya.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved